“Dream big.”
Ito ang mensahe ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa isang batang nangangarap umanong maging pangulo rin katulad niya.
Sa kaniyang vlog na may pamagat na “Dear PBBM,” binasa ni Marcos ang ilang mensahe ng kaniyang mga tagasuporta para sa kaniyang kaarawan.
Isa na sa mga ito ang sulat na ipinadala umano sa kaniya ng isang bata mula sa Cotabato City.
"Someday I also want to be a President like you. I hope to meet you, have a great and wonderful day," saad ng bata sa sulat.
"Tama 'yan. You dream big. Basta't huwag mong titigilan hanggang makuha mo 'yung iyong naging pangarap, at kakayanin mo kahit na ano," sagot naman ng Pangulo.
"Thank you very much for your kind words," dagdag pa niya.
Nagpasalamat din si Marcos sa lahat ng mga Pilipinong nagpaabot ng pagbati para sa kaniyang kaarawan.
“Inspirasyon ko ang walang sawa ninyong suporta. Gabay ko sa araw-araw na marinig ang inyong mga hangarin at pangarap para sa ating bansa, para sa Bagong Pilipinas,” anang Pangulo.
Matatandaang nagdiwang si Marcos ng kaniyang ika-66 kaarawan noon lamang Miyerkules, Setyembre 13, 2023.
Ito ang ikalawa niyang pagdiriwang ng kaarawan mula nang umupo siya sa posisyon ng pagka-Pangulo noong 2022.