May sariling talent agency na rin ang TV network na NET25 na pinangalanan nilang "NET25 Star Center," na makikita sa opisyal na Facebook page ng network.

Sa pangunguna ni NET25 President Mr. Caesar Vallejos, ipinakilala nila ang mga "bago at talentadong mga artista" ng NET25 Star Center.

“They have the freshest faces with outstanding skills and talents who will be NET25's genuinely wholesome brand ambassadors," ani Vallejos.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nagpasalamat din ang NET25 President sa mga taong tumulong na mabuo ang nabanggit na talent management arm, gayundin ang launching sa kanilang mga bagong artists na pasisikatin at mapapanood sa mga programa ng NET25.

Naganap ang launching sa kanilang rising stars noong Biyernes ng gabi, Setyembre 15 sa EVM Convention Center, Quezon City.

Tatawagin namang "Star Kada" ang kanilang mga rising talents. Sila ay huhulmahin at gagabayan ng award-winning actor at director na si Eric Quizon.

May dalawa na raw na nakalinyang proyekto ang kanilang Star Kada.

Una na rito ang daily reality-based series na "Star Kada: The Road to Kada 25," na magpapakita sa kanilang daily workshops, trainings, at challenges patungo sa "stardom."

Isa pang show na nakalinya sa kanila ay "KADA 25," isang musical at light drama series set na eere at mapapanood sa unang quarter ng 2024.

Sey naman ng mga netizen, para daw pinagsamang "Star Magic" ng ABS-CBN at "Sparkle GMA Artist Center" ang peg ng Star Center dahil sa titulo nito.