Inaasahang magiging maaliwalas ang panahon sa Luzon at Visayas, habang kalat-kalat na pag-ulan naman ang posibleng maranasan sa Mindanao dahil sa Intertropical Convergence Zone (ITCZ), ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Linggo, Setyembre 17.
Sa Public Weather Forecast ng PAGASA bandang 4:00 ng umaga, ibinahagi ni Weather Specialist Daniel James Villamil na bahagyang humina na ang epekto ng southwest monsoon o habagat sa malaking bahagi ng bansa.
Gayunpaman, namataan umano ang mga kaulapan sa Mindanao na may kaugnayan sa ITCZ.
“[Ang ITCZ] ay ang pagsasalubong ng hangin mula sa Northen at Southern Hemisphere,” paliwanag ni Villamil.
Dahil dito, malaki umano ang tiyansang magkaroon ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Mindanao. Posible ang pagbaha o kaya nama'y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan.
Samantala, ayon kay Villamil, bagama't inaasahan ang pangkalahatang maaliwalas na panahon sa Metro Manila, mga natitirang bahagi ng Luzon, at Visayas sa loob ng ng 24 oras, may tiyansa pa rin ng isolated rainshowers o thunderstorms sa mga nasabing lugar dahil sa localized thunderstorms.
Sa kasalukuyan ay wala naman umanong binabantayan ang PAGASA na bagyo o low pressure area (LPA) sa loob at labas ng Philippine are of responsibility (PAR).