Inanunsyo ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Sabado, Setyembre 16, na handog sa mga guro ng bansa ang gaganaping ikatlong Konsyerto sa Palasyo (KSP) sa darating na Oktubre 1, 2023.
Sa Facebook post ng PCO, inimbitahan nito ang publikong makisaya sa “Konsyerto sa Palasyo para sa Mahal Nating mga Guro" na alay umano sa mga Pilipinong guro ngayong National Teachers’ Month.
“Isang gabing puno ng musika mula sa ating mga talentadong magtatanghal ang alay natin para sa ating mga pinakamamahal na mga guro,” pahayag ng PCO.
Mapapanood umano nang live ang naturang programa sa offcial Facebook page ng KSP at iba pang State-run social media platforms.
Ipinagdiriwang ang National Teachers’ Month mula Setyembre 5 hanggang Oktubre 5 kada taon.
Itinatag ang naturang pagdiriwang sa pamamagitan ng Proclamation No. 242, na inilabas noong panahon ng yumaong dating pangulong Benigno Aquino III noong 2011.
Matatandaan namang ginanap ang kauna-unahang KSP noong Abril 22, 2023, na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.