Naibenta sa halagang $1.1 milyon sa isang online auction ang iconic “Black Sheep” sweater na isinuot umano ni Princess Diana ilang sandali matapos ang kaniyang engagement kay Prince Charles.

Sa ulat ng Agence-France Presse, ang naturang "Black Sheep" sweater ay naging isa sa “most emblematic articles of clothing” na isinuot ni Princess Diana, kung saan tila pagbabalik-tanaw umano ito sa kaniyang paglalakbay bilang miyembro ng British royal family.

Bilang isang iconic sweater, lumabas din umano ito sa ikaapat na season ng Netflix drama na "The Crown," na nagsalaysay sa kamakailang kasaysayan ng House of Windsor.

Samantala, ayon sa Sotheby’s, umabot sa $1.1 milyon ang halaga ng sweater pagkatapos ng matinding labanan ng mga bidder sa internet.

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

Ang naturang halaga ay mataas umano nang mahigit sampung beses kumpara sa paunang pagtataya ng Sotheby’s na nasa pagitan ng $50,000 hanggang $80,000.

Dahil sa matinding pag-bid sa internet, pinalawig ng auction house ang pagbebenta ng sweater, kung saan umakyat ang presyo nito mula $190,000 hanggang $1.1 milyon sa huling 15 minuto.

Inihayag din ng Sotheby's na ang nasabing sweater ang pinakamataas na presyong binayaran sa auction para sa isang kasuotan na pagmamay-ari ni Princess Diana. Ito rin umano ang “most valuable sweater” na ibinenta sa auction.