Mainit na usapin ngayon ang nakaambang suspensiyon ng noontime show na "It's Showtime" dahil sa patong-patong umanong reklamo ng televiewers at netizens kaugnay dito, na ipinataw ng Lupon sa Rebyu at Klasipikasyon ng Pelikula at Telebisyon o Movie and Television Review and Classification Board, dinadaglat na MTRCB, ay ang ahensiya ng pamahalaan sa Pilipinas na responsable sa regulasyon ng mga programa o palabas sa telebisyon at pelikula, pati na rin ang sari-saring uri ng de-bidyong midya, na makikita at/o ikinakalakal sa bansa.

Nasa ilalim ang pangangasiwa ng MTRCB sa Tanggapan ng Pangulo ng bansa o Office of the President. Binubuo ito ng isang tagapangulo o chairman, isang pangalawang tagapangulo at 30 kasapi ng lupon, na uupo ng isang taon. Itinatag ito noong 1985 sa bisa ng Atas ng Pangulo Blg. 1986 sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand E. Marcos, Sr.

Sa kasalukuyan, ang MTRCB Chair ay si Lala Sotto-Antonio, anak ni dating senate president Tito Sotto III, na aktibo ngayon sa noontime show na “E.A.T.” na umeere sa TV5, kasama nina Vic Sotto, Joey De Leon, at iba pang hosts na tinatawag na “Legit Dabarkads.” Kilala sila sa tawag na “TVJ.”

Dahil dito, mainit ngayon ang usapin hinggil sa pagpataw ng 12 airing day-suspension ng MTRCB sa mahigpit na karibal ng E.A.T., ang “It’s Showtime,” dahil sa ginawa umanong “indecent act” ng co-hosts at magkasintahang Vice Ganda at Ion Perez sa segment na “Isip Bata” kung saan kinain at sinubo nila ang icing ng cake gamit ang kanilang mga daliri.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sinita ito ng social media personality na si Rendon Labador at tinawag na “kahayupan” ang ginawa ng mag-partner, lalo na’t nasa harapan daw sila ng mga batang kasama sa segment. Kinalampag din ni Rendon ang MTRCB na aniya ay tutulog-tulog daw sa pansitan.

MAKI-BALITA: MTRCB sinita ni Labador: ‘Nag-eexist pa ba sila? Galaw-galaw mga boss!!!’

Makalipas lamang ang ilang araw, inanunsyo ng MTRCB ang pagpapatawag nila sa producers ng It’s Showtime dahil dinagsa raw sila ng reklamo kaugnay nga sa pagkain ng icing ng magkasintahan sa national television. Bago kasi pumutok ang isyung ito, nag-warning sila sa noontime show dahil sa kinasangkutang “wardrobe malfunction” ng guest nilang si Regine Tolentino, nang sumayaw ito sa isang production number.

Noong Setyembre 4, 2023, lumabas na ang desisyon ng MTRCB na isuspinde ng 12 airing days ang noontime show, subalit may 15 araw na palugit ang ahensiya sa pamunuan ng show na umapela at maghain ng motion for reconsideration.

MAKI-BALITA: It’s Showtime, sinuspinde ng 12 airing days ng MTRCB

Sagot naman ng It’s Showtime at ABS-CBN, aapela sila dahil naniniwala silang walang nilabag na batas ang mga host gayundin ang programa.

MAKI-BALITA: It’s Showtime aapela pa sa desisyon ng MTRCB

Lumalabas na hindi lamang ang pagkain ng icing ang naging batayan ng MTRCB sa pagpataw ng suspensiyon sa It’s Showtime kundi marami pa, batay na rin sa inilabas nilang opisyal na pahayag.

MAKI-BALITA: ‘Due process’ ng MTRCB sa suspension ng It’s Showtime, idinetalye

Ngunit tila nagsanga-sanga na ang problema dahil noong Setyembre 11, isang grupo umano ng social media broadcasters ang nagsampa ng criminal case laban kina Vice Ganda at Ion Perez kaugnay pa rin ng isyung pagsubo ng cake ng icing sa segment na “Isip Bata” na nagtulak sa MTRCB upang kastiguhin ang nabanggit na noontime show.

MAKI-BALITA: Vice Ganda, Ion sinampahan daw ng kasong kriminal ng ‘socmed broadcasters’

Hindi ito ang unang pagkakataong nawarningan at napatawan ng suspensiyon ang It’s Showtime? Noong 2010 ay napatawan na rin ito ng 20 airing day-suspension dahil naman sa mga nabanggit na pahayag ng dating sexy star na si Rosanna Roces laban sa mga guro, matapos itong umupong hurado sa noo’y old format nila bago tuluyang maging noontime show.

“Murahin mo yung teacher mo, ha! Ako minura ko yung teacher ko nung hindi niya sinagot sa akin 'yan. Oo, walanghiya 'yang mga teacher na 'yan, hindi sinasabi yung totoo sa atin, e! Ikaw taga-roon ka hindi mo alam. Pero mga kabataan, huwag kayong makuntento sa itinuturo ng libro at ng teacher. Magtatanong po kayo, hindi masama iyon. Oo, dahil ang mga teachers, they were just repeaters. Itinuturo nila kung ano ang itinuro sa kanila. Hindi na nila itinuturo kung ano ang gustong malaman ng mga bata. 'Yan, isang trivia para sa 'yo. Hanapin mo. I-Wikipedia mo, malalaman mo," pahayag ni Rosanna sa isang contestant.

Dahil dito, kahit na umapela pa sa MTRCB at tinanggal nila bilang hurado si Rosanna ay natuloy pa rin ang 20 airing day-suspension ng ahensiya sa programa, kaya pansamantala itong pinalitan ng “Magpasikat.”

Bukod sa mga ito ay may ilan pang nasita ang MTRCB sa It's Showtime gaya ng "Nasaan Ka, Mr. Pastillas" ni Angelica Yap noong 2015, sa kasagsagan ng kasikatan ng AlDub, kung saan pumalag dito ang grupong Gabriella.

Ngunit hindi lamang It’s Showtime ang nakastigo ng MTRCB kundi maging ang “E.A.T.” ay nakatanggap naman ng warning nang magsambit ng mura ang isa sa mga host nitong si Wally Bayola habang nasa segment na “Sugod Bahay,” noong Agosto 10. Ilang araw lamang ay kaagad din namang nagsagawa ng public apology ang host at nangakong mas magiging maingat na sa mga susunod na episode.

MAKI-BALITA: E.A.T ipinatawag ng MTRCB dahil sa pagmumura ni Wally Bayola 

MAKI-BALITA: Wally Bayola, nag-public apology hinggil sa pagmumura niya sa national TV

Ngunit noong “Eat Bulaga” pa ito at nasa GMA Network ay may ilang mga pagkakataong natawag na rin ng ahensiya ang atensiyon nito. Isa na rito ang “victim-shaming” daw na pahayag ni Tito Sotto sa isang babaeng iniwanan ng mister, noong 2016 matapos daw siyang molestiyahin ng kaniyang nakainumang kaibigan. "Kababae mong tao, shot-shot ka,” pahayag umano ni Sotto na hindi nagustuhan ng netizens.

Bagama’t ang ipinatawag ng MTRCB ay program executives, nagkusang sumama ang noo’y senador pa na si Tito Sotto sa pagpupulong. Aniya, ang kaniyang nasabi ay “taken out of context” sa social media.

"Sa tingin ko, convinced sila [MTRCB] na yung mga sumulat ng reaction were relying on comments of those who did not even know the context of the issue,” ani Sotto.

Bukod sa mga nabanggit na programa ay marami pang mga programa sa iba't ibang network ang nasita ng MTRCB, subalit ang mga sumusunod ang talagang nagmarka at pinag-usapan, kung hindi man lahat, na nailista at napaulat din ng entertainment site na PEP:

Pinoy Big Brother/ABS-CBN

Nangunguna sa listahan ang reality show na "Pinoy Big Brother" ng ABS-CBN. Isa sa mga kontrobersiyal dito ay ang unang season mismo kung saan naghalikan at tila naging wild sa inuman at swimming pool ang housemates, partikular sina Chx Alcala at noo’y housemate pang si Sam Milby, na kalaunan ay naging aktor.

Isa pa ay nang pumalag ang housemate na si Jayme Jalandoni noong 2014, sa weekly task na pagsasagawa ng nude painting. 2015, sinita rin ang Pinoy Big Brother 737 dahil teen housemates ang mga nasa loob ng bahay, at hindi na nagiging maganda ang kanilang mga nagiging usapan, na karamihan daw ay tungkol sa maseselang usapin.

Isa pa rito, noong 2016 naman, habang naghuhugas ng mga pinagkainan ang "Badjao Gilr" na si Rita Gaviola, ipinakita sa show na pinagkakatuwaan o “pinaglalaruan” naman ng ibang housemates ang kanilang mga underwear at doon napikon at sumama ang loob niya.

In fairness, pinag-ayos naman ni Kuya ang housemates pero ayon sa mga nagrereklamo, hindi raw dapat na nangyari o ipinalabas ‘yun sa isang primetime show. Isa raw itong uri ng bullying at discrimination.

Marami ang natuwa sa mabilisang aksiyon ng MTRCB, hindi na raw gaya noong dati na pinatatagal pa ang reklamo ng viewers.

MAKI-BALITA: MTRCB, ipinatawag ang pamunuan ng ‘PBB’

Impostora/Kris Bernal at Rafael Rosell/GMA Network

Sumunod na nasita ay ang GMA afternoon drama na “Impostora” noong 2017 dahil sa maiinit na eksena sa pagitan nina Kris Bernal at Rafael Rosell. Matapos ang diyalogo ng direktor nitong si Albert Langitan sa MTRCB ay naresolba naman ang isyu.

On the Wings of Love at Till I Met You/James Reid at Nadine Lustre (JaDine)/ABS-CBN

Nariyan din ang panggabing teleseryeng “On The Wings of Love” nina James Reid at Nadine Lustre noong 2016, dahil sa eksenang “nag-striptease” ang karakter ni James habang nakasuot ng uniporme ng pulis. Pinalagan ito ng mga pulis dahil hindi raw dapat ginagamit ang kanilang uniporme sa mga ganitong klaseng eksena. Kaagad namang humingi ng dispensa ang pamunuan ng network sa kapulisan dahil dito.

Sa kabilang banda, ang pangalawang serye ng JaDine na "Till I Met You" ay nakatanggap din ng sita dahil sa mainit na eksena ng dalawa, lalo na ang umanp'y eksena kung saan makikitang nasa bathtub sila.

The Rich Man's Daughter/Katrina Halili/GMA Network

Nasita rin ang LGBTQIA+themed series ng Kapuso Network na tumatalakay sa girl-to-girl relationship noong 2015, dahil daw sa naging linya ng karakter ni Katrina Halili na "Ganyan talaga ang pakiramdam ng mga kabit. At saka pag kaharap ang pamilya, ide-deny ka talaga, eh."

Katwiran ng MTRCB, ang nabanggit na linya at para sa mature audience na at lagpas na sa Parental Guidance rating ng show.

The Better Half/Denise Laurel at Carlo Aquino/ABS-CBN

“The Better Half” noong 2017 kung saan sinita ng noo'y bagong board member na si Mocha Uson ang eksena nina Denise Laurel at Carlo Aquino habang nasa kama. Mapapanood sa eksena na nakakubabaw si Denise kay Carlo habang sila ay tila nagtatalik.

Sey ni Mocha, tila naaabuso na raw ang SPG rating o Strong Parental Guidance sa telebisyon. Nagbanta pa siya noon na magbibitiw sa tungkulin kung mawawalan daw ng silbi ang function ng MTRCB dahil sa kinuyog siya ng batikos ng fans ng show.

"Ang haba ng halikan. Mayroon pang nakapatong yung babae sa lalaki,” aniya.

Bukod sa serye sinita rin ni Mocha ang isang episode ng legal-themed drama anthology na "Ipaglaban Mo."

MAKI-BALITA: Mocha, mainit sa maseselang eksena sa ‘Better Half’ at ‘Ipaglaban Mo’

MAKI-BALITA: MTRCB, walang nakitang masama sa ‘The Better Half’

Party Pilipinas/Lovi Poe at Rocco Nacino/GMA Network

Hindi rin nakaligtas ang musical noontime shows. Noong 2017, nasita rin ng MTRCB ang defunct-show na “Party Pilipinas” ng GMA Network dahil sa senswal na pagsayaw nina Lovi Poe at Rocco Nacino sa opening number pa mismo nito.

Makikitang sumasayaw habang tila nakahiga sa kama sina Lovi at Rocco. Nagtambal sila sa seryeng "Yesterday's Bride."

Inatasan ng MTRCB ang Party Pilipinas na maglabas ng opisyal na public apology dahil “sexually-charged scene" daw ang makikita sa naging production number nina Lovi at Rocco.

ASAP/Anne Curtis/ABS-CBN

2013 naman nang tawagin ang atensyon ng pamunuan ng “ASAP,” ang longest-running musical noontime show sa telebisyon ng ABS-CBN, dahil naman sa suot na black strapless dress na may high slit ni Anne Curtis, para sa kaniyang birthday production number.

Sa nabanggit na “wet performance,” kumakanta ng “Diamonds” ni Rihanna si Anne habang may shower na nagpabasa sa kaniyang katawan. Sinita ng MTRCB ang kaniyang mataas na slit na halos magpakita raw sa kaniyang singit, at tila wala raw siyang suot na underwear.

Paliwanag naman ni Anne, nakasuot daw siya ng tangga swimsuit kaya hindi totoong wala siyang suot na panloob.

Willing Willie/Wille Revillame/TV5

2011, isang buwang suspensiyon ang ipinataw ng MTRCB sa show ni Willie Revillame na “Willing Willie” sa TV5 matapos ireklamo ng maraming televiewers at netizens ang umano’y pagsayaw ng anim na taong gulang na batang lalaki na parang isang “macho dancer” habang umiiyak, kapalit ng 10,000 piso.

Dahil dito, nagdesisyon ang MTRCB na sa muling pag-ere ng show, kailangang magbigay ng permit kada araw o episode ang pamunuan ng TV5, at magiging ganito raw ang kalakaran hanggang sa umano’y makitaan nila ng mga pagbabago sa ganap sa nabanggit na show.

Paliwanag naman ni Willie, wala siyang masamang intensyon sa bata, at kaya lang ito pinagawa ay dahil gusto umano ng bata ang pagsayaw.

Magandang Tanghali Bayan (MTB)/Randy Santiago, John Estrada, at Willie Revillame/ABS-CBN

Panghuli, ang noontime show na “Magandang Tanghali Bayan” o MTB nina Randy Santiago, John Estrada, at Willie Revillame noong 2003 dahil sa umano’y kanilang “green jokes” na sinasambit sa show. Nagkaroon pa nga ng “forced vacation” para kina John at Willie. Nagkaroon din ng reformat sa pamagat na tinawag na “Esep-Esep” mula sa sinasambit ni Amy Perez sa patok na segment na “Pera o Bayong” nila ni Roderick Paulate.

Hindi naglaon, ang MTB ay naging "Masayang Tanghali Bayan" na.