Pinuri ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Philippine Embassy in Kuwait, Department of Migrant Workers (DMW), at Kuwaiti authorities sa kanila umanong paghahangad ng hustisya para sa pinaslang na overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait na si Jullebee Ranara.
Inihayag ito ni Marcos sa kaniyang social media pages nitong Biyernes, Setyembre 15, matapos hatulan ang 17-anyos na si Turki Ayed Al-Azmi, na siya umanong pumaslang kay Ranara.
“I commend the Philippine Embassy in Kuwait, the Department of Migrant Workers, and the Kuwaiti Authorities for their continued pursuit of justice for our OFW, Jullebee Ranara,” ani Marcos.
“We hope that the appeal process will be conducted fairly, and justice will be served accordingly,” dagdag pa niya.
Ayon pa sa Pangulo, natutuwa siyang maisip na nakangiti na umano ngayon sa langit si Ranara, maging si DMW Secretary Susan “Toots” Ople dahil sa pag-usad ng kaso.
“I take comfort in thinking that Toots and Jullebee are looking down from heaven with smiles.”
“Their legacy serves as a reminder of our duty to protect and support our fellow countrymen, regardless of where in the world they may be,” saad ni Marcos.
Matatandaang nitong Huwebes ng gabi, Setyembre 14, nang ibahagi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na hinatulan ng Juvenile Court ng Kuwait si Al-Azmi ng 15 taong pagkakakulong dahil sa pagpatay kay Ranara.
Mayroon umano itong 30 araw para umapela sa naturang paghatol sa kaniya sa Court of First Instance.
Si Ranara, 34, ay ginahasa, pinatay, at sinunog umano, kung saan natagpuan daw ang kaniyang katawan sa isang disyerto malapit sa Al-Salmi Road noong Enero 21, 2023.