Inaasahang makaaapekto ang mahinang southwest monsoon o habagat sa kanlurang bahagi ng Southern Luzon at Visayas ngayong Sabado, Setyembre 16, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa tala ng PAGASA bandang 4:00 ng umaga, malaki ang tiyansang magkaroon ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Palawan bunsod ng habagat.
Posible umano ang pagbaha o kaya nama'y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan.
Samantala, inaasahang makararanas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na may tiyansa ng isolated rainshowers o thunderstorms sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa habagat o localized thunderstorms.
Maaari rin umano magkaroon ng pagbaha o pagguho ng lupa rito tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.
Sa kasalukuyan ay wala naman umanong binabantayan ang PAGASA na bagyo o low pressure area (LPA) sa loob at labas ng Philippine are of responsibility (PAR).