Ipinahayag ni Senador Christopher "Bong" Go nitong Sabado, Setyembre 16, na malaki ang tiwala niya kay Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte hinggil sa confidential funds.

Sa isang pahayag, sinabi ni Go na sa kabila umano ng mga usapin hinggil sa confidential funds, ang importante umano ay magagamit ito nang tama, at tiwala raw siya kay Duterte rito.

“Malaki ang tiwala ko sa ating Bise Presidente Inday Sara Duterte sa kaniyang integridad at kakayahan na maimplementa ang mga programa ng OVP at DepEd, at masigurong hindi masasayang ang pondo ng bayan,” ani Go.

“Ito ang dahilan kung bakit ako sumuporta sa kanilang proposed budget noong nakaraang deliberations sa Senado. Ang mahalaga ay mapakinabangan ng taumbayan ang pondong inilaan sa tamang paraan,” saad pa niya.

VP Sara Duterte pinatutsadahan si Hontiveros hinggil sa confidential funds

Si Go ay dating special aide ni dating pangulong Rodrigo Duterte, ang ama ni Vice President Duterte.

Matatandaan namang kinuwestiyon kamakailan nina Senator Risa Hontiveros at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro ang confidential funds noong 2022 dahil wala umano ito sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA) noong nakaraang taon.

Iginiit din nina dating Senate president Franklin Drilon at Senate minority leader Aquilino “Koko” Pimentel III na ilegal at labag sa Konstitusyon ang paglilipat ng pondo mula sa Office of the President (OP) sa OVP.

Kaugnay ng naging pangunguwestiyon sa confidential funds, pinatutsadahan kamakailan ni Duterte sina Hontiveros at Castro.

Nang tanungin ng mga mamamahayag ang bise presidente kung bakit ang dalawang mambabatas ang pinangalanan niya sa kaniyang patutsada, sinabi niyang wala siyang respeto sa mga ito.

“I do not respect Ms. Castro and Ms. Hontiveros. I have no respect for them,” ani Duterte sa ulat ng Manila Bulletin.

Sinagot naman nina Hontiveros at Castro ang naturang patutsada ng bise presidente.

https://balita.net.ph/2023/09/14/hontiveros-kay-vp-duterte-hindi-ko-hinihingi-ang-respeto-mo/

https://balita.net.ph/2023/09/15/castro-sumagot-sa-patutsada-ni-vp-sara-hindi-siya-karespe-respeto-rin/