Inaasahang makararanas ng mga kalat-kalat na pag-ulan ang malaking bahagi ng bansa ngayong Biyernes, Setyembre 15, dulot ng southwest monsoon o habagat, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa tala ng PAGASA bandang 4:00 ng umaga, malaki ang tiyansang magkaroon ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Zambales, Bataan, Palawan, Occidental Mindoro, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, at Caraga bunsod ng habagat.
Posible umano ang pagbaha o kaya nama'y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan.
Samantala, inaasahang makararanas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na may tiyansa ng isolated rainshowers o thunderstorms sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa habagat o localized thunderstorms.
Maaari rin umano magkaroon ng pagbaha o pagguho ng lupa rito tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.
Samantala, ayon sa PAGASA, huling namataan ang low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine area of responsibility (PAR) sa layong 405 kilometro sa North Northeast ng Itbayat, Batanes.
Mababa umano ang tiyansang maging bagyo ang LPA at inaasahang lalabas na ito ng PAR sa loob ng 24 oras.