“The feeling is mutual, at hindi siya karespe-respeto rin.”

Ito ang sagot ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro sa patutsada ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na wala itong respeto sa kaniya at kay Senador Risa Hontiveros.

Sa isang virtual press conference nitong Biyernes, Setyembre 15, na inulat ng Manila Bulletin, iginiit ni Castro na nirerespeto niya ang Office of the Vice President (OVP), ngunit hindi umano si Duterte. 

"Kung talagang may respeto siya (Duterte) sa sarili niya, respetuhin niya rin ‘yung mga dapat na itinanong namin, di ba?" ani Castro.

VP Sara Duterte pinatutsadahan si Hontiveros hinggil sa confidential funds

"So sana ito ‘yung sagutin niya, hindi ‘yung mga kung anu-anong pinagsasasabi niya outside the Congress… Dapat sana ay nasagot ‘yung mga tanong namin kaugnay nitong mga tinatanong natin on confidential funds,” saad pa niya.

Matatandaang binatikos kamakailan nina Castro at Hontiveros ang bise presidente dahil sa umano'y paggastos nito ng ₱125 milyon ng confidential funds sa loob ng 19 araw noong nakaraang taon. Naiulat na nagmula ang naturang pondo sa Office of the President (OP).

Hinarap din ni Castro at iba pang Makabayan bloc si Duterte sa Kamara sa ginanap na budget hearing ng OVP nitong Agosto. Gayunpaman, maagang tinapos ng Committee on Appropriations ang pagdinig dahil umano sa parliamentary courtesy.

Iminumungkahi naman ng OVP ang ₱2.385 bilyong budget para sa 2024, at humihingi rin ito ng ₱500 milyong confidential at intelligence funds.

Kaugnay ng pangunguwestiyon nina Hontiveros, Castro, at iba pang mga kongresista at senador sa confidential funds, pinatutsadahan kamakailan ni Duterte ang dalawa babaeng mambabatas.

Nang tanungin naman ng mga mamamahayag ang bise presidente kung bakit niya pinatutsadahan sina Hontiveros at Castro, sinabi niyang wala siyang respeto sa mga ito.

“I do not respect Ms. Castro and Ms. Hontiveros. I have no respect for them,” ani Duterte sa ulat ng Manila Bulletin.

Dahil dito’y nauna na ring sinagot ni Hontiveros ang pahayag ni Duterte at sinabing hindi raw niya hinihingi ang respeto ng bise presidente.

https://balita.net.ph/2023/09/14/hontiveros-kay-vp-duterte-hindi-ko-hinihingi-ang-respeto-mo/