Magandang balita para sa rice retailers sa Marikina City.

Ito'y matapos na ianunsiyo ni Marikina City Mayor Marcelino 'Marcy' Teodoro nitong Huwebes na pagkakalooban sila ng city government ng anim na buwang business tax exemption, dalawang buwang libreng renta sa palengke at cash aid.

National

Zamboanga del Norte, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol; Aftershocks at pinsala, asahan!

Ayon kay Teodoro, tatlong ordinansa ang kanyang nilagaan upang matulungan ang mga naturang rice retailers na apektado ng rice price cap na ipinaiiral ng pamahalaan.

Aniya, kabilang sa mga ordinansa na kanyang nilagdaan ay ang Ordinance No. 68 Series of 2023 o ang “Ordinance Granting Relief on Rental Payments to Rice Retailers at the Marikina Public Market in the City of Marikina.”

Alinsunod na sa naturang ordinansa, binibigyan ng dalawang buwang relief sa pagbabayad ng renta sa mga stalls sa Marikina City Public Market, para sa mga buwan ng Setyembre at Oktubre 2023.

“Inulit natin ‘yung ginawa natin noong nakaraang pandemya kung saan ‘yung mga maliit na nagtitinda ng bigas sa Marikina Public Market ay hindi na muna natin sila pagbabayarin ng renta sa susunod na dalawang buwan hanggang maging stable na ang supply ng bigas at ang presyo ay manumbalik na sa dati. Iyon ang una nating panukala at sa ngayon ay pinirmahan natin bilang ordinansa,” anang alkalde, sa isang pulong balitaan.

Nabatid na nilagdaan rin ni Teodoro ang Ordinance No. 69 Series of 2023 o ang “Ordinance Granting Relief on Business Tax Payment to Rice Retailers in the City of Marikina.”

“The purpose of this ordinance is to grant tax relief to rice retailers within the jurisdiction of Marikina City who have been adversely affected by the imposition of a price cap or ceiling on rice,” anang ordinansa.

Sa ilalim ng ordinansa, ang mga rice retailers na nag-o-operate sa Marikina ay exempted sa pagbabayad ng business taxes sa kanilang gross sales o resibo para sa third at fourth quarter ng taong ito, o sa loob ng anim na buwan.

“Marami na siyempre ang nababahala dahil ‘yung iba nating mga kababayan ay nagbabayad ng buwis nila in a quarterly basis, at maaari dahil sa pagkalugi na nararanasan nila dahil sa pagbebenta ng regular at well-milled rice sa mas mababang halaga, maaaring mabawasan ‘yung kita o kaya mawala. At ‘yung pagbabayad ng buwis ay maging problema sa ilan," anang alkalde.

Samantala, nilagdaan din ni Mayor Marcy ang Ordinance No. 70, Series of 2023 o ang “Ordinance Granting Cash Assistance to Rice Retailers in the City of Marikina.”

Nakasaad sa ordinansa ang pagkakaloob ng P5,000 cash assistance ng lokal na pamahalaan ang mga eligible rice retailers na apektado ng price ceiling sa bigas.

Nabatid na eligible sa tax relief at tumanggap ng cash aid ang mga rice retailers sa wet markets, public markets, at iba pang lugar na accessible sa general public, kabilang ang sari-sari stores na nagbebenta ng bigas at nag-o-operate sa Marikina, simula sa effective date ng ordinansa.

Hindi naman nito sakop ang mga supermarkets at convenience stores.

“Alam ko po na hindi po sapat ito, ngunit kahit papaano sana po makatulong at mapagaan po ang ating pagnenegosyo po. Napakahirap po ng buhay, gusto ko po manatili kayong nasa negosyo,” anang alkalde.

Samantala, laking pasalamat naman ng mga rice retailers sa ginawa ng lokal na pamahalaan dahil napakalaki umanong tulong nito para sa kanila.