Iminungkahi ng Philippine Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na paigtingin pa ang proseso ng pagpaparehistro ng SIM cards matapos nitong ipakita na nakalusot ang pekeng ID at larawan ng ilang fictional characters sa isinagawa nilang SIM registration.
Sa isang press conference nitong Huwebes, Setyembre 14, sinubukan ng isang IT expert na resource person ng PAOCC na magrehistro ng SIM card gamit ang hindi totoong impormasyon at ID o larawan ng Anime character na si Monkey D. Luffy at cartoon character na si Bart Simpson.
Doon ay tagumpay na nairehistro at tinanggap ng SIM registration system ng telecom companies ang mga mapanlinlang na impormasyon at larawan ng naturang fictional characters.
Dahil dito, inihayag ni PAOCC Executive Director Gilbert Cruz na hindi sapat ang kasalukuyang panuntunan para labanan ang mga text spam at scam, na mas lumalala na umano kumpara sa iligal na droga sa bansa.
Ayon kay Cruz, mas mabuti umanong magkaroon ng proseso ng “face recognition” upang mas maberepika ang totoong identidad ng nagpaparehistro ng SIM.
Bukod naman sa face recognition, iminungkahi rin ng PAOCC na gawin na lamang face-to-face ang pagpaparehistro ng SIM upang masiguro umanong nagsasabi ng totoo ang mga nagpaparehistro.
“If it takes face-to-face registration para masala natin. I think that’s the best suggestion we can do,” ani Cruz.