Nasa 174 pang kandidato para sa 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ang nakatakdang padalhan ng show cause orders ng Commission on Elections (Comelec).
Ito’y bunsod ng umano’y pagkakasangkot sa premature campaigning o maagang pangangampanya.
Sa isang pulong balitaan nitong Miyerkules, sinabi ni Comelec chairperson George Garcia na ipatatawag nila ang mga naturang kandidato upang pagpaliwanagin hinggil sa umano’y posibilidad na sangkot sila sa paglabag sa Section 80 ng Omnibus Election Code, na nagbabawal sa maagang pangangampanya.
Ipinaliwanag ni Garcia na ang pagpapadala nila ng show cause orders ay bahagi ng isinasagawa nilang imbestigasyon at due process.
Ayon kay Bautista, ayaw nilang magsampa na lamang basta ng kaso nang hindi muna ito napag-aaralang mabuti.
Noong Lunes, nasa 296 show-cause orders na rin umano ang naipadala ng Comelec sa mga BSKE candidates.
Ang panibagong batch naman ng 174 show cause orders ay inaasahang maipapadala bago matapos ang maghapon.
Ang 2023 BSKE ay nakatakdang idaos sa Oktubre 30.