Isang grupo umano ng social media broadcasters ang nagsampa ng criminal case kina “It’s Showtime” hosts Vice Ganda at Ion Perez kaugnay pa rin ng isyung pagsubo ng cake ng icing sa segment na “Isip Bata” na nagtulak sa Movie and Television Review and Classification Board o MTRCB upang kastiguhin ang nabanggit na noontime show.
Sa ulat ng Philippine Entertainment Portal o PEP, nagkaroon umano ng "special meeting" ang Kapisanan ng Social Media Broadcasters ng Pilipinas, Inc. (KSMBPI) sa MTRCB kaugnay sa suspensyon ng It's Showtime sa loob ng 12 airing days, na nangyari umano noong Agosto 29.
Isang Atty. Leo Olarte daw, kinatawan ng KSMBPI, kasama ang ilang miyembro ng nabanggit na samahan ang nagtungo sa Quezon City Prosecutor’s Office noong Lunes, Setyembre 11, 2023, upang magsampa ng reklamo sa dalawang nabanggit na personalidad.
Paglabag umano sa Article 201 ng Revised Penal Code, na may kinalaman sa Section 6 ng Article 201 at sa Republic Act No.10175, o Cybercrime Prevention Act of 2012, ang asuntong inihain nila laban sa mag-jowa.
Bahagi umano ng pagpapakita ng suporta sa MTRCB ang paghahain ng reklamo ng KSMBPI laban sa dalawa.
Mababasa sa kanilang Facebook post noong Agosto 29, "Signing of the Memorandum of Agreement between SPIN MEDIA and the Kapisanan ng Social Media Broadcasters ng Pilipinas, Inc. at the National Office of MTRCB last AAugust 24, 2023 followed by a special meeting with MTRCB Chairperson Lala Sotto discussing the proliferation of immoral contents in some of the noontime TV shows and how we can support MTRCB in raising the public awareness and action to address moral decay in the entertainment industry. SPIN MEDIA now is an official affiliate of KSMBPI."
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag sina Vice Ganda, Ion Perez, at pamunuan ng ABS-CBN tungkol dito.