Hinamon ni San Jose, Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari ang pamahalaan na buwagin ang rice cartel sa bansa.
Ang hamon ay ginawa ni Mallari kasunod na rin ng price cap na ipinaiiral ngayon ng pamahalaan sa bigas.
Sa mensaheng ipinadala ng obispo sa church-run Radio Veritas nitong Martes, sinabi nito na dapat na tugunan ng pamahalaan ang suliranin ng 'rice cartel' na siyang nagpapataas sa presyo ng bigas at nagpapahirap sa suppliers at mga consumers.
Anang obispo, bagamat makatutulong sa mga consumer ang pagtatakda ng price cap sa bigas, ay nananatili pa ring problema ang rice cartel na kumukontrol sa halaga ng bigas.
Binigyang-diin ng Obispo na matagal ng problema sa bansa ang rice cartel ngunit hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring napaparusahan sa kabila ng maraming imbestigasyon na isinagawa ng Senado at Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Pahayag pa niya, "Matagal ng alam at pinag-uusapan ang rice cartel, ngunit mayroon na bang naparusahan o nakulong dahil dito? Sa EO, sino na naman ang magiging most vulnerable sa hulihan at parusahan, yun bang malalaking cartel o ang mga pipitsuging rice retailers sa mga palengke, na kumikita lamang depende sa volume ng kanilang benta kada araw."
Ayon kay Mallari, nararapat lamang na mapanagot sa batas ang mga nasa likod ng rice cartel na nagmamanipula sa presyo ng bigas sa bansa.