Pinangunahan ni Manila Mayor Honey Lacuna ang pamamahagi ng tulong pinansiyal para sa daan-daang biktima ng sunog sa lungsod.
Katuwang ni Lacuna si Manila Department of Social Welfare Chief Re Fugoso sa ginawang personal na pagkakaloob ng kabuuang P2.6 milyon na tulong pinansiyal para sa may mga 252 pamilya at 35 unattached individuals, na naapektuhan ng sunog, nitong Martes sa Manila City Hall.
Nabatid na ang mga tumanggap ng tulong ay mga biktima ng sunog na naganap mula Setyembre 1 hanggang 6 sa Baseco, gayundin sa Districts 1, 2, 5 at 6.
Sa kanyang maikling mensahe, nagpahayag ng kumpiyansa ang alkalde na malalampasan ng mga biktima ng sunog ang dinanas na trahedya, na nagpataas ng moral ng mga ito.
Ayon kay Lacuna, “Walang may gusto ng nangyari sa inyo at alam namin na hindi kayo susuko. Ito ay isa lamang sa napakaraming pagsubok na dinaraanan natin.”
Tiniyak rin niya sa mga biktima ng sunog na ang lokal na pamahalaan ay laging handang magkaloob ng anumang makakayanan nilang tulong upang makapagsimulang muli.
“Asahan po ninyo na ang inyong pamahalaan ay lagi ninyong kaagapay sa mga pagkakataong ito at sa abot ng aming makakaya ay tutulungan at tutulungan namin kayong makabangong muli. Ito ay isa na namang pagsubok at makakaasa kayo na kami ay kaagapay ninyo,” anang alkalde.
Dagdag pa niya, “Masuwerte pa rin tayo na bagama’t tinupok ng apoy ang inyong ari-arian ay naproteksyunan naman ninyo ang inyong mga sarili.. katuwang po ninyo kami sa pagbangon ulit….tulong-tulong tayo…sana, anumang natirang kabuhayan ninyo ay makatulong muli sa isa na namang panibagong buhay.”
Samantala, pinaalalahanan pa ni Lacuna ang mga biktima ng sunog na patuloy na maging maingat upang maiwasan nang muli ang pagkakaroon ng sunog at hindi na maulit pa ang naganap na trahedya sa kanila.
“Pagdamutan nyo po ang nakayanan ng inyong pamahalaan. Sisikapin naming sa sa mga darating na panahon ay matutulungan namin kayong muli. Paalala lamang po, napakahirap masunugan. Sana bawat isa sa atin ay patuloy na magsikap na mag-ingat para makaiwas na maulit ang ganitong trahedya,” aniya pa.