"Bili na kayo ng champorado, para maubos na ang laman ng tray!"

Narinig mo na ba 'yan sa iyong naging guro noong ikaw ay nasa elementarya o hayskul?

Iyan ang hatid na throwback at nostalgia ng teacher-content creator na si Sir Jhucel del Rosario, 32-anyos mula sa Cavite, at nagtuturo sa Malainen Bago Integrated School, gurong tagapayo sa Grade 6.

Bilang content creator, siya ay kilala bilang si "Masayahing Guro" na may 94k followers.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Aliw ang kaniyang viral video dahil makikita siyang tila nagtitinda siya ng "champorado" sa kaniyang pupils.

"Ang bumili ng champorado pogi at maganda," maririnig na hirit ng guro sa video.

"Wala na bang bibili?"

"Sana po may bumili ng champorado..."

"Bili na po ng champorado, bilis na..."

"Parang awa n'yo na guys, bilhin n'yo na, para maubos na..."

"Iyon na lang oh, iyon na lang ang laman ng tray..."

"Pag naubos ang champorado may ikukuwento ako sa inyo..."

Sa eksklusibong panayam ng Balita sa guro, nilinaw niyang katuwaan lamang ang nabanggit na video at hindi talaga siya nagbenta o nagbebenta ng champorado sa klase upang pagkakitaan.

"Pero disclaimer lang po baka sabihin kasi nagvi-video ako tuwing klase, 'yan po talaga ay time ng recess, break po talaga," aniya.

Kuwento ng masayahing guro, 10 taon na siyang nagtuturo sa elementarya at mag-10 taon na rin sa paggawa ng vlogs at funny videos.

Ngunit aminado si Sir Jhucel na sa realidad ay nangyayari talaga ang pagbebenta ng pagkain ng ilang mga guro, na noon pa man ay naranasan na rin ng iba, lalo na sa mga pampublikong paaralan.

Kung hindi man sariling paninda, karaniwang mga gurong tagapayo mismo ang pinagtitinda ng mga pagkain mula sa school canteen upang maubos ito. Sa madalas na pagkakataon, ipinadadala sa kanila hindi lamang champorado kundi iba pang snacks na nakasilid sa tray, sa tuwing recess.

"Bukod sa pagiging guro, hinaharap din namin ang mga tinda tuwing recess, naisipan ko lang videohan dahil totoo ito na araw- araw nahihirapan kaming makaubos, natuwa lang ako at baka maka-relate ang iba kong co-teachers, good vibes lang ba," aniya.

Natanong naman ng Balita ang guro kung pabor ba siyang pinagtitinda ang guro sa loob ng silid-aralan?

"Depende rin kasi ito sa situation ng bawat school, sa case namin ginagawa yung isang building namin kaya wala na kaming space, kaya by room po muna ang recess at oo naman okay lang naman kasi part pa rin ng trabaho namin, masaya lang dapat," aniya.

Narito naman ang ilan sa mga reaksiyon at komento ng netizens:

"Ganiyan din kami noon hahaha nagmamakaawa na si adviser namin. Lugaw at sopas naman sa amin hahaha."

"Sa amin dati, bread with juice at hotdog hahaha."

"Hala hahaha naaalala ko yung pulang tray galing sa canteen ng school, hahaha, tapos kay Ma'am na kami bibili. Kailangan daw maubos."

"Yung iba nga puwede pautang hahahaha."

"Wala ba yung parang tinapay na ube hahahaha."

"Hahahaha relate na relate ang Grade school teachers hahahaha."

Habang isisusulat ang balitang ito ay umabot na sa 2.6k haha reactions, 356 shares, at 344 comments ang viral video ni Masayahing Guro.

Kung nais matuwa, maging masaya at mapa-throwback sa iyong school days, mangyaring mag-follow lamang sa kaniyang page.

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!