Umarangkada na rin nitong Lunes ang paglalagay ng bike lanes sa Region 4A o Calabarzon.

Nabatid na mismong si Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista ang siyang nanguna sa isinagawang groundbreaking ceremony para sa pagtatayo ng bike lanes sa Lipa at Batangas City sa Batangas, gayundin sa Antipolo, Cainta at San Mateo, sa Rizal.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Ayon kay Bautista, target ng DOTr, sa tulong ng Department of Public Works and Highways (DPWH), na matapos ang isang 76.70-kilometer bike lanes sa ilang piling kalsada sa rehiyon sa unang quarter ng taong 2024.

Kumpiyansa siya na magiging malaking benepisyo para sa cycling community at iba pang active transport users ang naturang expanded bike lane networks sa rehiyon.

Laking pasalamat rin naman ng kalihim sa suporta ng mga local government units (LGUs) na siya aniyang nagpapahintulot sa DOTr upang patuloy na makapagtayo ng mas marami pang bike lanes sa iba’t ibang panig ng bansa.

Inianunsiyo pa ni Bautista sa ngayong taon ay target nilang magkaroon ng hanggang 400 kilometro ng bike lanes sa bansa.

Nabatid na ang konstruksiyon ng bike lanes sa Region IV-A ay mayroon umanong total approved budget na P151.7 milyon sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA) para sa Fiscal Year 2022.