Pinawalang-sala ng Pasig Regional Trial Court (RTC) si Nobel Peace Prize laureate at Rappler chief executive officer Maria Ressa, maging ang Rappler Holdings Corporation (RHC) sa huli nilang tax evasion charge nitong Martes, Setyembre 12.
Sa inilabas na desisyon ng Pasig RTC Branch 157, hinatulan si Ressa at ang Rappler na “not guilty” sa huli nilang tax evasion case na may kinalaman sa value-added tax return ng kompanya sa ikalawang quarter ng 2015 na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱300,000.
“WHEREFORE, in view of the foregoing, the accused Rappler Holdings Corporation and Maria A. Ressa are hereby ACQUITTED in Criminal Case No. R-PSG-18-02983-CR for violation of Section 255 of the 1997 National Internal Revenue Code, as amended, on the ground that they did not commit the offense charged in the Information,” saad ng Pasig RTC Branch 157 sa ilalim ng 18 pahinang desisyon nito.
“Meanwhile, the civil aspect of the case is DISMISSED,” dagdag pa nito.
Noong nakaraang Enero, pinawalang-sala rin ng Court of Tax Appeals si Ressa at ang Rappler sa apat na iba pang tax evasion na nagmula sa 2015 sale ng Philippine depositary receipts, isang paraan para makalikom ng pera ang mga kompanya mula sa foreign investors.
Dahil dito, napawalang-sala na si Ressa at ang Rappler sa lahat ng tax evasion charges na isinampa laban sa kanila sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Matapos ang naturang acquittals, nahaharap na lamang si Ressa at ang Rappler sa dalawang kaso sa korte: ang apela ng Nobel Peace Prize laureate at dating Rappler researcher na si Reynaldo Santos Jr. sa kanilang cyber libel conviction na nakabinbin sa Korte Suprema at ang apela sa pagsasara ng Rappler na nakabinbin sa Court of Appeals.
Kilala si Ressa sa pagiging kritikal kay dating pangulong Duterte at sa administrasyon nito.