Sa panahong halos nabubura na ang mga hangganan at limitasyon, hindi nakapagtatakang may mga guro na ring tumatawid mula sa makipot na sulok ng silid-aralan patungo sa malawak at masukal na mundo ng social media para maghasik ng karunungan.

Gaya halimbawa ni Sir Reinhel Angelo Sicat o mas kilala bilang “Sir Sicat”, isang guro at content creator na may mahigit 64k followers. Tampok sa kaniyang mga content ang mga bagay na may kinalaman sa edukasyon. Katulad na lamang ng ginawa niyang paglilinaw kamakailan sa kaibahan ng “college” at “university”. Sa kasalukuyan, habang isinusulat ang artikulong ito, ang nasabing video ay may mahigit 5k reactions, 1k shares, at 203k views.

Tulad ng marami sa atin, hindi rin alam ni Sir Sicat kung ano ang landas na gusto niyang tahakin noong high school bagama’t may mga bagay naman siyang kinahihiligan.

Sa eksklusibong panayam ng Balita, ibinahagi niya kung ano-ano ba ang mga bagay na iyon.

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

“I was largely interested with stage productions, and creative work. Bukod sa public speaking, hilig ko rin talaga ang Ingles, computer, at creative stuff,” sabi niya.

Pero dahil umano sa pambubuyo ng kaniyang ina, napunta siya sa larangan ng edukasyon. Sa una, inamin ni Sir Sicat na mahirap malaman kung gusto mo ba talaga ‘yung kursong napili mo.

“Pero nung nag-practicum na kami sa laboratory high school sa UST, kasabay ng pagtuturo sa Ramon Magsaysay sa España, doon ko nalaman na I chose the right path,” pasubali niya.

Sampung taon ng nagtuturo si Sir Sicat. Kasalukuyang siyang nagtuturo sa Taiwan bilang bahagi ng foreign teacher exchange program.

“So, the last two years of my teaching decade transpired in Taiwan.”

Nang dumako ang tanong tungkol sa content creation, inilahad niya ang dahilan kung bakit niya pinasok ang mundo ng social media.

“Tulad ng nabanggit ko, hilig ko ang mag-kalikot sa computer. I did editing for fun.”

Kaya naman nang bumalik siya sa kaniyang alma mater–ang University of Santo Tomas–para magturo, nagsimula na siyang gumawa ng mga YouTube videos. At noong dumating ang mapaminsalang salot na COVID-19, nagpdesisyon siyang gumawa ng mga educational content creation.

“TikTok invited me to create content in their platform. It was at a time when they were trying to expand their video length, from 15-second vids to a minute. I didn’t expect that people will actually follow me, until I saw the worth of the work I put in.”

Hanggang ngayon, patuloy na gumagawa ng video si Sir Sicat para ibahagi ang piraso ng kaniyang sarili sa sambayanang Pilipino. Hindi umano mahahadlangan ng agwat at lawak ang kakayahang magsilbi sa bansang sinilangan.

“Gusto ko ma-experience ng mga Pilipino ang lasa dekalidad na edukasyon: libre at walang bayad. High quality production ang goal ko palagi, kasi I want my viewers to get that feel of a ‘master-class’.”

2016. Unang araw ng Nobyembre. Nagsimula si Sir Sicat bilang content creator. Ang dahilan niya? Bored daw kasi siya. Totoo nga ang kasabihan, pagkabagot ang ina ng paglikha.

“I remember clearly, bored ako kasi semestral break. I had some videos that I wanted to put together. Ini-upload ko sa YouTube, and that experience prepared me a lot for creating short form content.”

Problema at solusyon, ano nga ba?

Gaya ng anomang institusyon sa lipunan, hindi din ligtas ang paaralan sa iba’t ibang problema. Mayroon din itong dumi at baho; paltos at galos. Na sa huli ay nagiging ugat ng struggle. At gaya ng isang may karamdaman, para malunasan, dapat niyang kilalanin na may sakit siya.

Kaya tinanong ng Balita si Sir Sicat kung ano ang nakikita niyang struggles ng mga guro na sa dulo ay nagiging problema sa sektor ng edukasyon.

“To begin with, funding seems to be a struggle. Yung kapos na badyet sa edukasyon, napapasa yan sa mga guro. Yung simpleng libreng magnet, art materials, printing services dito sa public schools sa Taiwan, nabibilib ako. Lahat kasi yan, gastos ng mga guro sa Pilipinas. Hindi ko man ugaling magcompare, but how can you not?”

Dagdag pa niya:

“Sa tingin ko, ang mga guro ngayon ay burned out na sa pagtuturo. Teaching in itself can already take its toll on teachers’ mental health, and if their school and the government administrations won’t support them, the educational system in the Philippines may continuously deteriorate.

Once education fails, a government for the people fades.”

Sa kabilang banda, tinanong din siya ng Balita kung ano ang nakikita niyang solusyon mula sa problemang nabanggit.

“Malaking parte ng buhay natin ang pera, pero may mga bagay din na maari sanang makatulong na maka-boost ng morale ng mga guro: Tulad ng incentives, recognition, at higit sa lahat – yung masusing pagpa-plano at implementa ng mga mandato at patakaran.”

Nagpahabol din siya ng paalala. Aniya, ang larangan ng edukasyon umano ay hindi isang laro. Hindi dapat pinag-eeksperimentuhan. Pinamumunuan dapat ito ng mga tao na may talino, malasakit, at takot sa bayan.

At dahil ang buong buwan ng Setyembre ay nakalaan para sa mga dakilang guro, binigyan ng Balita ng pagkakataon si Sir Sicat na magbigay ng mensahe ngayong National Teachers’ Month.

“Alam ko kung gaano kahirap ang magturo sa Pilipinas. Maraming salamat sa sakripisyo ninyo, at sana wag kayong magsawa. Ang hiling ko lang ay sana maging mas mapag-mahal ang inyong mga maga-aral. Alam ko na madalas, sa kanila tayo talaga humuhugot ng lakas. Nasaan man kayo, I know we’re all doing our best to fulfill our roles, at dahil diyan: Mabuhay ang bati ko sa iyo, magiting na guro!”

Sa huli, hindi rin niya ipinagdamot na ibahagi ang kaniyang pinakamalaking reyalisasyon sa buong panahon ng kaniyang pagiging guro at content creator.

“Una sa lahat, madaming bagay sa buhay ang talagang nagte-take time. Bukod doon, lahat ng ginagawa natin ay may saysay. Maaring hindi mo ito makita ngayon, but just keep doing your best. Sa Youtube man ako nagsimula with only a handful subscribers, yung mga skills na nakuha ko sa experience na yun naman ang nag-enable para maka-tulong sa mas malaking audience.”

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!