Inaasahang bago matapos ang linggong ito ay masisimulan na ng pamahalaan ang distribusyon ng fuel subsidies para sa mga public utility vehicle (PUV) drivers na labis na apektado ng siyam na linggong pagtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.
Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista, target nilang masimulan ang distribusyon ng P3 bilyong fuel subsidy para sa may 1.36 milyong PUV drivers sa buong bansa sa susunod na dalawang araw.
Paniniguro pa ng kalihim, hanggang sa Biyernes, Setyembre 15, ang siyang pinakamatagal na petsa upang masimulan ang distribusyon.
Tiniyak rin ni Bautista na kasalukuyan nang nakikipag-ugnayan ang pamunuan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa LandBank, Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Trade and Industry (DTI), at Department of Information And Communications Technology (DICT) hinggil sa pamamahagi ng subsidiya.
Nabatid na kabilang sa mabibiyayaan ng subsidiya ang may 6,000 Modernized Public Utility Jeepney (MPUJ) operators; 150,000 public utility jeepney (PUJ) drivers at operators; 500 Modernized Utility Vehicle Express (MUVE) operators; 20,000 utility van express operators; 930,000 tricycle drivers at operators; 150,000 food delivery riders; at iba pa.