Kinabiliban ng maraming netizen ang “autism parenting” ng isang mommy sa kaniyang Facebook post kamakailan.

Isinalaysay kasi ni Mommy Brendz Mendoza Linga sa caption ng kaniyang post kung paano niya turuan ang kaniyang anak na si Abe na maging independent.

“Gustong gusto ko ung mga araw na ganito. Ung kahit 4am pa ako mulat dahil sa work. Nagtrabaho at nagsundo sa kanya ng 3:00pm. Sinamahan siya sa therapy hanggang 4:30pm. Nakakapagod di ba? Edi lalo na sa kanya...Mas nkakapagod…” saad ni Mommy Brendz sa caption ng kaniyang post.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Dagdag pa niya, “Nung mas bata pa siya pag isinasakay ko siya sa PUJ naiinitan siya. Pero sinanay namin sa pagbyahe. Ngaun big boy na, tinuturuan ko siya sumakay sa tamang sign board ng sasakyan at saang tapat papara. Kahit matraffic ang pauwi hindi na naiinip. At bumibilang siya kapag malapit na siya pumara. Kahit mkakalampas hindi ako napara pra mapilitan siya pumara😁. Nakukuha naman pra lang sa kanya bakit daw ayaw tumigil.”

Kaya ang message niya sa kaniyang mga kapuwa magulang, “Wag natin gawing laging maalwan ang bagay bagay sa kanila. Mas matututo sila sa mga bagay na challenging gawin.”

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Mommy Brendz, sinabi niya ang dahilan kung bakit niya pinursigeng matuto si Abe ng mga basic life skill gaya nga ng pagko-commute.

“Bilang magulang ng isang bata na may autismo, mahalagang maturuan siya na maging independent at ng iba’t ibang life skills. Sabi nga sa Proverb 22:6: ‘Train up a child in the he should go. And when he is old, he will not depart from it’. Ika nga, start them young. Hindi habang buhay nandito kami para gabayan at samahan siya kaya mahalaga na marami siyang alam.”

Proud din umano si Mommy Brends sa unti-unting pagkatuto ng anak. Bagama’t marami pang dapat ituro para kay Abe, kahit papaano ay nagkakaroon ng progreso ang bata. Unti-unting natutupad ang ipinapanalangin niya para sa anak. Sabi nga niya, malayo pa pero malayo na.

Sa huli, inamin ni Mommy Brendz na wala umanong pagsubok na hindi kakayanin ng isang magulang na may anak na autsim gaya niya.

“Alam mo, real talk tayo, ha. Wala namang struggle na hindi kakayanin ang isang pamilya na may anak na may autism. Nagiging mahirap lang kapag lumalabas na kami ng bahay dahil kulang na kulang pa ang kaalaman ng mga tungkol dito. Sana sa pamamagitan ng scoial media platforms, makapagbigay pa kami ng kaalaman ukol sa tamang pag-aaccomodate sa kanila; na maaari din silang maging mahusay na mamamayan ng ating komunidad.”

Sa kasalukuyan, habang isinusulat ang artikulong ito, may mahigit 32k reactions at 2.3k shares na ang nasabing post ni Mommy Brendz.

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!