Isa si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos, Jr. sa mga kontrobersiyal na personalidad sa kasaysayan sa Pilipinas, lalo na sa usaping pampolitika.

Ginugunita ngayong araw ng Lunes, Setyembre 11, ang ika-106 na kaarawan niya. Ano nga ba ang kuwento sa likod ng mayamang naratibo ng kaniyang pagkatao?

Ipinanganak sa Sarrat, Ilocos Norte si Ferdinand E. Marcos, Jr. o “Makoy” noong Setyembre 11, 1917. Ang kaniyang mga magulang? Sina Josefa Edralin at Mariano Marcos na pawang mga guro.

Nagsimula siyang mag-aral noong 1923 sa Sarrat Elementary School. Pagkatapos, lumipat sa Laoag noong 1921 dahil umano sa promosyon ng kaniyang ama bilang schoolmaster. Kaya nakapag-aral siya sa Shamrock Elementary School.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Pero nang tumuntong sa ikaapat na baitang, lumipat ulit ng paaralan si Makoy. Ang dahilan? Nanalo ang ama niya bilang kinatawan ng ika-2 distrito ng Ilocos Norte sa Asambleyang Pambansa. Sa pagkakataong ito, sa Maynila na. Sa Ermita Elementary School.

Nagpatuloy si Makoy sa UP High School. Doon na rin siya nagkolehiyo kung saan niya sisimulan ang pangarap na maging abugado.

Habang nag-aaral ng abogasya, nasangkot siya sa isang krimen. Noong 1935, binaril ang political rival ng kaniyang amang si Julio Nalundasan. At si Makoy ang isa sa pinagsuspetsahan. Inaresto siya at hinatulang guilty noong 1939. Pero naipanalo niya ang kaso nang ipagtanggol niya ang sarili at umapela sa Korte Suprema.

Sa kabila ng lahat ng ito, nagawa niyang magtapos ng Cum Laude sa UP College of Law. Nagawaran din ang kaniyang tesis ng President Quezon Award. At nang mag-bar exam, topnotcher si Makoy!

Sa pagputok ng World War II, naging lider umano si Makoy ng kilusang gerilya. Pero ayon sa U.S. government, hindi naman daw siya naging bahagi ng anomang pakikipaglaban sa Hapon mula 1942-1945.

Nagsimula ang karera niya sa politika nang maging bahagi siya ng kongreso at senado mula 1949 hanggang 1964. Sa pagitan ng panahong ito, makikilala niya si Imelda Romualdez na naging asawa niya kalaunan. Sina Imee, Ferdinand, Jr., at Irene ang naging bunga ng kanilang pagmamahalan.

Bago pa man ang halalan noong 1965, tila nahulaan na umano ng kaniyang lolang si Emerenciana Edralin na magiging pangulo si Makoy ng Pilipinas. Minsan daw kasing sumali ang matanda sa “Game of the Oracle”. At nakasulat umano sa nabunot nito na magiging presidente ang kaniyang apo. Si Makoy agad ang unang pumasok sa isip ng matanda.

Nagpatuloy pa ang kaniyang ikalawang termino nang manalo siyang muli noong 1969. Sa taon ding ito nagsimula ang itinuturing ng marami bilang “pinakamadilim na yugto ng bansa” at ng kaniyang buhay.

Idineklara niya ang Batas Militar pagsapit ng 1972 dahil umano sa lumalagong bilang ng mga rebelde. Pero ayon sa mga historyador, mukhang may ibang agenda raw si Makoy. Matatapos na noon ang termino niya.

Pansamantala raw na nagkaroon ng katahimikan at tila sinupil daw ang kalayaan sa pagpapahayag at pamamahayag noong panahong iyon. Nagpatuloy umano ang krisis kahit inalis ang Batas Militar. Bumagsak daw ang ekonomiya. Marami umanong nagutom. Pinatay ang mahigpit na kaaway ni Makoy sa politika na si Sen. Benigno "Ninoy" Aquino, Jr. Lalong tumindi ang kaliwa’t kanang pagkilos.

Hanggang sa mapilitan si Makoy na magpatawag ng halalan noong Pebrero 1986 kung saan siya muling tatakbo bilang pangulo laban kay Corazon C. Aquino, biyuda ng pinaslang na si Ninoy.

Nagkaroon umano ng malawakang dayaan na nag-ugat sa “People Power I” sa kahabaan ng Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA). Napatalsik ang dating pangulo sa puwesto at lumikas papuntang Hawaii kasama ang pamilya. At doon siya iginupo ng matinding karamdaman hanggang sa dumating ang Setyembre 28, 1989–ang petsa ng kaniyang kamatayan.

Makalipas ang maraming dekada, nakabalik sila sa limelight at naging pangulo nga ang kaniyang anak na lalaking si Ferdinand R. Marcos, Jr. o “BBM”.