Isinusulong ng isang kongresista na bigyan ng mas malaking confidential fund ang Office of the Ombudsman upang magampanan nito nang maayos ang kanilang trabaho.
Sa isinagawang budget deliberations ng anti-graft agency sa House Committee on Appropriations, binigyang-diin ni Davao del Sur Rep. Pantaleon Alvarez na "hindi sapat" ang mungkahing ₱51.468 milyong confidential fund para sa epektibong pagsusulong ng Ombudsman sa kanilang "crucial case building at investigation activities."
Inihirit ng kongresista na dagdagdan ang confidential funds ng Ombudsman sa ilalim ng panukalang 2023 budget upang mapadali ang pagsasagawa ng maingat at malalimang imbestigasyon na madalas ay kinasasangkutan ng "sensitive at high-stakes cases."
“‘Yung request po na proposed budget po ng Ombudsman for confidential funds na ₱51.468 million, napakaliit po nito, considering po ‘yung trabaho at tsaka 'yung function ng Ombudsman," pagdadahilan ng konhresista.
“Yung case building lang, investigation and fact-finding, hindi po madali 'yun at hindi po mura 'yun. Mahirap po, mahirap kumuha ng mga ebidensya, at magkumbinsi ng mga tao para mag-testify. Kaya po para sa akin, ay baka pwede naman dagdagan natin ito from ₱51.468 million baka pwede na natin gawing ₱100 million ito," anang kongresista.
Nanawagan din ito sa mga kasamahang mambabatas na pag-aralan nang husto ang ilalaan na budget para sa Ombudsman upang gumana ito nang husto.
“Gusto nating sugpuin ang korapsyon? Aba eh 'di gastusan natin! Suportahan natin 'yang opisina upang sa gayon ay makagalaw sila… Sana po ma-consider ng House na i-increase ang budget ng Ombudsman," dagdag pa ng kongresista.
PNA