Isang lalaki ang patay nang tumalon mula sa isang gusali sa Maynila nitong Linggo ng hapon.
Basag ang bungo at halos malasog ang katawan ng ‘di pa nakikilalang biktima na inilarawan lamang na nasa hanggang 30-anyos ang edad, katamtaman ang laki ng pangangatawan, may taas na hanggang 5’4”, nakasuot ng kulay itim na t-shirt na may tatak na "The Gamer", kulay puting shorts at puting rubber shoes.
Lumilitaw sa imbestigasyon ni PCMS Joseph Kabigting, ng Manila Police District (MPD)- Homicide Section, na dakong alas-4:16 ng hapon nang maganap ang insidente sa 12th floor ng gusali ng isang dormitoryo na matatagpuan sa Earnshaw St. sa Sampaloc, Manila.
Nauna rito, bigla na lang umanong pumasok ang biktima sa naturang dormitoryo kaya’t sinita ng guwardiyang si Almar Jundan.
Sinabi naman umano ng biktima sa guwardiya na may pupuntahan lang siya sa itaas, at kaagad nang sumakay ng elevator.
Sinundan ni Jundan ang biktima at dito niya nakita ang isang estudyante na nanunuluyan sa naturang gusali, habang pinipigilan ang biktima sa balak na pagtalon.
Sa halip naman umanong magpapigil sa planong pagpapatiwakal ay nagpalakad-lakad ang biktima sa gilid ng gusali at bigla na lang lumundag patungo sa sementadong kalsada, na nagresulta sa kaniyang kamatayan.