Nananawagan si Manila Mayor Honey Lacuna sa pubiko na magkaroon ng awareness at suporta sa early detection ng cervical at breast cancer sa lungsod ng Maynila.

Ang panawagan ay ginawa ng alkalde nang pangunahan ang Intensified Cervical Cancer Screening para sa mga empleyado ng Manila City Hall sa Freedom Triangle nitong Lunes, kasama sina Manila Health Department (MHD) chief Dr. Arnold 'Poks' Pangan, Vice Mayor Yul Servo, Department of Health (DOH) Undersecretary Ma. Rosario Vergeire at Philippine Cancer Society, Inc. Program Director Romeo Marcaida.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa nasabing pagtitipon,  inilarawan din ni Lacuna na 'nakababahala' ang katotohanan na ang  breast and cervical cancer ay isa sa top killers sa bansa sa ngayon.

Kasabay nito, tiniyak naman ng alkalde na ang mga public hospitals ay may kakayahan na matukoy ang cancer sa maagang panahon, ngunit nagpahayag ng kalungkutan dahil karamihan sa mga pasyente ay hindi naman kaagad nagpapatingin sa mga doktor.

Hinikayat din naman ni Lacuna ang lahat ng mga babaeng empleyado ng city hall na magpasuri upang makaiwas at hindi mapabilang sa dumaraming biktima ng cervical cancer, na itinuturing bilang "silent killer," lalo na kung nasa late stage na ito bago madiskubre.

Hinimok rin niya ang mga magulang ng mga batang babae na edad siyam hanggang  14 na magpabakuna laban sa human papillomavirus (HPV), na dahilan ng karamihan ng cervical cancers, gayundin ng cancers sa anus, vulva, vagina at oropharynx o likod ng lalamunan kabilang na ang ibaba ng tongue at tonsils.

"Kadalasan, huli na bago masuri na may sakit... at an early age of 9 and 14 pwede na bigyan ang mga anak na babae ng bakuna for HPV.  Ginagawa ito nang libre sa health center kaya ine-encourage ko ang mga nanay na dalhin ang kanilang mga anak sa ating health facilities," pahayag pa ni Lacuna.

Ang mga kababaihan naman na edad 30 hanggang 49 ay hinikayat niyang sumailalim sa screening laban sa breast at cervical cancer upang kaagad na matukoy kung mayroon silang abnormality.

Ani Lacuna, "Ito ang mga bagay na simple lang gawin pero napakalaking tulong to prevent the number four cancer sa ating bansa."

Nabatid na maliban sa pap smear at HPV vaccination, ginagawa rin aniya ang visual inspection with acetic acid (VIA) sa 44 health centers sa Maynila.