Posibleng makaranas ng pag-ulan ang ilang bahagi ng bansa bunsod ng trough ng low pressure area (LPA) at southwest monsoon o habagat, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Lunes, Setyembre 11.
Sa tala ng PAGASA bandang 4:00 ng umaga, maaaring magkaroon ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan sa Batanes at Babuyan Islands bunsod ng trough ng LPA.
Maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan din ang posibleng maranasan sa Zamboanga Peninsula dulot naman ng habagat.
Pinag-iingat ng PAGASA ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama'y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.
Samantala, may tiyansang makaranas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa bunsod ng habagat o localized thunderstorms.
Posible rin umano ang pagbaha o pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.
Samantala, hindi naman umano inaasahang magiging bagyo ang mino-monitor ng PAGASA na dalawang LPA sa loob at labas ng Philippine area of responsibility (PAR).
Huling namataan ang LPA sa loob ng PAR sa layong 875 kilometro sa East Northeast ng Extreme Northern Luzon.
Nasa 1,960 kilometro ang layo sa East Northeast ng Eastern Visayas naman ang LPA sa labas ng PAR.