Sumagot si Senador Risa Hontiveros sa patutsada ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte kaugnay sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP).
Nangyari ito nang patutsadahan ni Duterte ni Hontiveros nitong Lunes, Setyembre 11.
“Senator Risa Hontiveros, while she amuses the nation with her flair for drama, could only wish the 2022 OVP CF was accessed illegally,” saad ng bise presidente.
Maki-Balita: VP Sara Duterte pinatutsadahan si Hontiveros hinggil sa confidential funds
"Trabaho lang, walang drama,” paunang pahayag ni Hontiveros.
“Akala ko ba, VP Sara, the OVP can live without confidential funds? Bakit parang pinapawisan na yata kayo dyan, budget hearing pa lang? Lahat naman ng ahensya naglalabas ng proposed budget.
Hindi kayo special,” saad ng senadora. “If you’re so confident about those confidential funds, then defend them publicly.”
Pahayag pa ng senador, ginawa raw perya ng OVP ang basic na proseso ng pagbusisi ng pera ng bayan.
“Napakababa na yata ng standards ngayon sa OVP. Gagawin mo lang ang trabaho mo, ‘amusing’ na agad? Kung meron mang ‘amusing,’ yan ay yung halos kalahating oras na turo-turo, pag-iwas sa tanong, paikot-ikot na sagot, at pagbabalu-baluktot ng sitwasyon. Ginawa nilang perya ang basic na proseso ng pagbusisi ng pera ng bayan,” ani Hontiveros.
“Hindi ko kailangang mag-‘wish’ na na-access ng opisina niyo nang ilegal ang confidential funds. Dalawang former Senate President na ang nagsabi—Sen. Drilon at Sen. Pimentel — na yung paglipat ng pondo mula OP to OVP ay ilegal at unconstitutional,” dagdag pa ng senador.
Binigyang-diin pa nito na huwag daw lumihis sa tunay na issue. Sinabi niya na mas malaki pa umano ang confidential fund ng OVP kaysa sa combined confidential funds ng DND at NICA.
“At higit sa usapin ng batas, huwag ilihis sa tunay na issue: Si Vice President Duterte lang - bilang VP at Secretary ng DepEd - ang may confidential funds na mas malaki pa sa combined confidential funds ng DND at NICA. Bakit ba kailangan niya ng napakalaking pondo na walang audit o disclosure sa publiko?” ani Hontiveros.
Dagdag pa niya, “Given the significant responsibility of government officials, I demand a shred of competence when it comes to fiscal matters— like any Filipino taxpayer.”
Giit pa ni Hontiveros na mas maganda raw na linawin ng bise presidente ang pondo ng tanggapin nito.
“Kaysa sa mga personal na atake at pag-iwas sa tanong, mas maganda sigurong kung linawin na lang ni VP Sara ang pondo ng opisina nya para sa isang national budget na mas transparent, mas epektibo, at mas tutugon sa pangangailangan ng ating mga kababayan.”