Sa araw na ito ng Lunes, Setyembre 11, taong 2001, naitala ang pinakamalalang terrorist attack sa Amerika. Ginulat ng nasabing pag-atake ang buong mundo.
Gamit ang mga na-hijack na eroplano na nagsilbing “weapons of mass destruction”, inatake ng extremist Islamic group na “Al-Qaeda” ang World Trade Center sa New York, Pentagon sa Washington D.C., at Shanksville, Pennsylvania.
Halos 3,000 katao na walang kamalay-malay ang nasawi. Sa katunayan, hanggang ngayon, may mahigit 1,000 pa ring labi ang hindi napapangalanan ng mga awtoridad.
Pero nitong Sabado, Setyembre 9, dalawa sa mga ito ay natukoy ang pagkakilanlan matapos ang dalawang dekada.
Gaya ng inaasahan, muling dinayo ang mga napinsalang lugar para alalahanin hindi lang ang tila bangungot na sinapit ng kanilang mga mahal sa buhay kundi pati ang kabayanihan ng mga sumaklolo sa araw na iyon ng insidente. May mga nag-alay ng katahimikan, panalangin, at kandila sa iba’t ibang dako ng bansa.
Hindi maitatangging binago ng 9/11 attack ang takbo ng kasaysayan hindi lang ng Amerika kundi pati ng daigdig.