Mahigpit ding ipinagbabawal ang mga bomb jokes, hindi lamang sa air travel o sa pagsakay sa eroplano, kundi maging sa lahat ng uri ng transportasyon sa bansa.
Mismong si Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista ang nagpaalala nito sa publiko nitong Lunes, matapos na bulabugin ng bomb threat ang Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) noong Biyernes.
Maki-Balita: MRT-3, binulabog ng bomb threat
Sa isang panayam sa radyo, binigyang-diin ni Bautista na ang pagbabawal sa bomb jokes ay hindi lamang limitado sa pagbiyahe sa himpapawid, kundi maging sa lahat ng uri ng transportasyon.
Kasabay nito, nanawagan rin siya sa publiko na huwag gawing biro ang bomb threat.
Babala pa niya, ito ay may katapat na parusang pagkabilanggo at multa.
“Ito pong parusa na ito, hindi lang sa eroplano, sa lahat ng mode of transport,” aniya pa.
Dagdag pa ni Bautista, "Kaya tinatawagan natin ang ating mga kababayan na wag po nilang gawing biro yung mga bomb threat. Pag sila ay napatunayang nagkasala ay may bilanggo po yan at meron pa hong fine."