Iniulat ng Department of Education (DepEd) nitong Lunes na umaabot na sa 26.5 milyon ang bilang ng mga enrollees para sa School year 2023-2024.

Batay sa huling datos mula sa Learner Information System (LIS) para sa SY 2023-2024 ng DepEd, nabatid na hanggang alas-2:00 ng hapon nitong Lunes, Setyembre 11, 2023, nasa 26,536,783 na ang kabuuang bilang ng mga mag-aaral na nagparehistro para sa bagong taong panuruan.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Kabilang anila dito ang mga estudyanteng nagpatala sa mga pampubliko at pribadong paaralan, gayundin sa mga state universities and colleges (SUCs) at local universities and colleges (LUCs).

Sa nabanggit na bilang, pinakamarami pa rin ang nakapagpatala sa Region IV-A (Calabarzon) na umabot sa 3,894,125.

Sinusundan naman ito ng Region III (Central Luzon) na may 2,926,213 enrollees at National Capital Region (NCR) na may 2,724,695 enrollees.

Pinakakaunti pa rin ang enrollees mula sa Cordillera Administrative Region (CAR) na nasa 415,487 lamang.

Samantala, ang enrollees naman sa Alternative Learning System (ALS) ay nasa 291,774 na.

Matatandaang Agosto 29, 2023 nang magsimula ang klase para sa SY 2023-2024.

Tiniyak naman ng DepEd na tatanggap sila ng late enrollees hanggang sa katapusan ng Setyembre.

Target ng DepEd na makapagtala ng 28.8 milyong estudyante para sa kasalukuyang taong panuruan.