Naghain ng ₱2 million civil complaint si GMA news anchor Atom Araullo laban kina Lorraine Badoy-Partosa at Jeffrey Celiz, dahil umano sa "red-tagging" sa kaniya at sa kaniyang pamilya, sa kanilang programa sa SMNI.
Si Badoy-Partosa ay dating Undersecretary ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) at Assistant Secretary ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa termino ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Naging spokesperson din siya ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF ELCAC.
Si Celiz naman na tinatawag ding "Ka Eric," ay dati umanong "Ilonggo activist."
Ang dalawa ay co-hosts sa programang "Laban Kasama ang Bayan” sa TV network na pagmamay-ari ni Pastor Apollo Quiboloy.
Inihain ni Araullo ang kaso nitong araw ng Lunes, Setyembre 11, na kinumpirma niya sa kaniyang opisyal na Facebook post.
Mababasa sa wikang Filipino (may bersyon din sa wikang Ingles), "Ngayong araw, naghain ako ng kasong sibil laban kay dating Undersecretary Lorraine Badoy-Partosa at Jeffrey Celiz. Kaugnay ito ng walang tigil na paninirang puri at pagkakalat ng kasinungalingan ng dalawa tungkol sa akin at sa aking pamilya sa pamamagitan ng kanilang programa sa SMNI at social media."
"Walang basehan ang kanilang mga paratang. Malinaw na layunin nila ang takutin, siraan, at udyukin ang galit ng publiko laban sa akin at sa aking pamilya sa pamamagitan ng paghahasik ng intriga. Sa aking pananaw, bahagi ito ng mas malawak na panggigipit at panunipil sa malayang pamamahayag."
"Noong una, pinili kong ipagkibit-balikat ang mga paratang lalo’t walang katuturan ang mga ito. Ngunit dahil delikado ang disinformation, lalo kung hahayaan lang, nagpasya akong manindigan. Ginagawa ko ito para sa kaligtasan ng aking pamilya, ngunit sana’y makaambag din ito kahit papaano sa pagtatanggol ng press freedom as kabuuan."
"Nais ko ring linawin na hindi ako magsasampa ng kasong kriminal laban kay Badoy at Celiz sa ngayon. Tutol ako sa criminalization ng libel dahil nagagamit din ito upang gipitin ang lehitimong media. Gayunpaman, kailangang pigilan at managot ng mga malisyosong pasimuno ng disinformation."
"Partikular na hamon ito ng ating panahon, lalo na para sa mga mamamahayag na dapat pumanig sa katotohanan," aniya pa.
Si Atom ay sinamahan ng kaniyang legal counsel na si Atty. Tony La Viña at kaniyang mga magulang sa Quezon City prosecutor’s office.
Nauna nang naghain ng demanda ang ina ni Atom na si Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Emeritus Chairperson Carol Pagaduan Araullo laban sa dalawa.
Samantala, wala pang tugon o pormal na pahayag sina Badoy-Partosa at Celiz kaugnay ng balitang ito.