Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Linggo, Setyembre 10, na dalawang low pressure area (LPA) ang binabantayan nito sa loob at labas ng Philippine area of responsibility (PAR).

Sa Public Weather Forecast ng PAGASA nitong 4:00 ng umaga, inihayag ni weather specialist Daniel James Villamil na huling namataan ang LPA na nasa loob ng PAR 730 kilometro ang layo sa East Northeast ng Itbayat, Batanes.

Samantala, huli namang namataan ang LPA sa labas ng PAR sa layong 2,025 sa silangan ng Southeastern Luzon.

Pareho umanong pasilangan ang galaw ng naturang dalawang LPA.

National

Nasa 18M graduates ng high school noong 2024, hindi 'functional literate'

“Itong dalawang low pressure area na ito [ay] malayo sa ating bansa [kaya’t] walang direktang epekto sa anumang bahagi ng ating kapuluan,” ani Villamil.

Sinabi rin ni Villamil na maliit ang tiyansang mabuo bilang bagyo ang dalawang LPA sa loob ng 24 hanggang 48 oras.

Samantala, patuloy umanong umiiral ang southwest monsoon o habagat sa kanlurang bahagi ng Northern at Central Luzon.

Pagdating naman sa magiging lagay ng panahon sa 24 oras, maaaring magkaroon ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Batanes at Babuyan Islands dulot ng habagat.

Maaari umano ang pagbaha o pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar bunsod ng posibleng malakas na pag-ulan.

Bagama't inaasahan namang magiging maalinsangan ang panahon sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa, may tiyansa pa rin umanong magkaroon ng isolated rainshowers o localized thunderstorms mamayang hapon o gabi bunsod ng habagat o localized thunderstorms.

Posible rin umano ang pagbaha o pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.