Umabot na sa mahigit 2,000 indibidwal ang nasawi sa Morocco dahil sa lindol na yumanig sa bansa kamakailan, ayon sa mga awtoridad nitong Sabado, Setyembre 9.
Matatandaang noong Biyernes ng gabi, Setyembre 9, nang yanigin umano ng magnitude 6.8 na lindol ang timog-kanluran ng Marrakesh, Morocco.
MAKI-BALITA: Morocco, niyanig ng magnitude 6.8 na lindol
Sa ulat ng Agence-France Presse, inihayag ng interior ministry nitong Sabado ng gabi na hindi bababa sa 2,012 katao ang nasawi, habang 2,059 ang nasugatan kasama na ang 1,404 na nasa kritikal na kondisyon.
Dahil dito, nagdeklara ang palasyo ng tatlong araw na “national mourning.”
Samantala, sa lakas ng pagyanig ay wala umanong gusali ang natirang nakatayo sa mountain village ng Tafeghaghte, kung saan malapit ang epicenter ng lindol.
Nagbabala naman ang Red Cross na maaaring ilang taon umano ang bilangin bago maayos ang mga nasirang gusali at iba pang pinsala nito.
Ayon pa sa ulat, ang naturang lindol ay ang pinakamalakas umanong tumama sa North African kingdom. Inilarawan din ito ng isang eksperto na pinakamalaking lindol rehiyon sa mahigit 120 taon.