Mangingisda, sinakmal ng pating sa Ilocos Norte
BOLINAO, Pangasinan - Isang mangingisda ang nakaligtas matapos sakmalin ng pating habang nangingisda sa karagatang sakop ng Ilocos Norte nitong Sabado.
Sa pahayag ng Bolinao Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO), naganap ang insidente sa karagatang bahagi ng Ilocos Norte 74 kilometro mula sa Bolinao, Pangasinan.
Ipinaliwanag ng MDRRMO, nailigtas nila ang biktima na hindi na isinapubliko ang pagkakakilanlan matapos silang makatanggap ng tawag mula sa isang concerned citizen kaugnay ng insidente.
"Sakay ng banca ang biktima at iba pang mangingisda na nagtungo sa Ilocos Norte nang biglang atakihin ng shark kaya nagkasugat ng malaki sa kanyang hita at inuwi pa ang laman ng kanyang hita," pahayag ng rescue team ng MDRRMO.
"Pinick-up na namin ang biktima sa Luciente 1, Bolinao at binigyan ng first aid," ayon sa MDRRMO.
Matapos mabigyan ng first aid at isailalim sa physical assessment, kaagad na isinugod sa ospital ang sugatang mangingisda.