Kinumpirma ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia nitong Linggo na nasa 91 kandidato para sa 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ang binigyan nila ng show cause order dahil sa posibilidad na pagkakadawit sa election offense.
Pagdidiin ng opisyal, ang kanilang hakbang ay batay na rin sa resulta ng mga obserbasyon at natanggap na reklamo.
Kabilang aniya sa mga election offense na posibleng nilabag ng mga pinagpapaliwanag na kandidato ay premature campaigning.
“‘Yan po, walang formal na complaints. 'Yan pong mga ‘yan ay resulta ng mga nakita na natin o nai-report sa atin. Ang ginawa ng Comelec, motu proprio [investigation]. Sariling initiative ito ng Commission on Elections,” paliwanag pa ni Garcia, sa panayam sa radyo.
Tatlong araw ang ibinigay ng Comelec sa mga kandidato upang sagutin ang reklamo laban sa kanila.