Tinatayang 30.87% examinees ang pumasa sa September 2023 Registered Electrical Engineer (REE) Licensure Examination, habang 53.69% naman ang pumasa sa Registered Master Electrician (RME) Licensure Exam, ayon sa Professional Regulation Commission (PRC) nitong Biyernes, Setyembre 8.
Sa inilabas na resulta ng PRC, 1,218 sa 3,945 examinees ang pumasa sa REE, habang 800 sa 1,490 ang pumasa sa RME.
Para sa REE, kinilala si Timothy Regienald Rongavilla Zepeda from the University of the Philippines – Los Baños bilang top notcher matapos siyang makakuha ng 90.95% score. Wala naman umanong qualified na unibersidad para hiranging top performing school sa naturang pagsusulit.
Pagdating naman sa RME, kinilala si Prince Ian Francisco Cruz mula sa Technological University of the Philippines – Manila matapos siyang makakuha ng 94% score.
Hinirang naman ang Bohol Island State University – Tagbilaran matapos itong makakuha ng 82.35% overall passing rating.
Isinagawa umano ang naturang mga pagsusulit mula Setyembre 2 hanggang Hunyo 3 sa mga testing center sa National Capital Region, Baguio, Butuan, Cagayan de Oro, Calapan, Cebu, Davao, Iloilo, Koronadal, Legazpi, Lucena, Pagadian, Pampanga, Rosales, Tacloban, Tuguegarao, Zamboanga, at Palawan.