Kuwento ng isang lucky winner ng ₱35.5 milyon sa Mega Lotto 6/45 sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na nagdalawang-isip pa raw siyang tumaya.

Ayon sa PCSO, kinubra na ng lucky winner mula sa Lanao del Sur ang premyo nitong ₱35.5 milyon matapos mahulaan ang 26-40-06-12-44-14 winning combination ng Mega Lotto na binola noong Hunyo 26.

Nakapanayam nila ang lucky winner at naikuwento nito na nagdalawang-isip pa itong tumaya dahil sa lakas ng ulan.

Sey ng NBI: 'Fugitive Senator Dela Rosa will be arrested whether he likes it or not'

“Nagdalawang-isip na akong tumaya kasi malakas ang ulan ng gabing iyon. Pero sabi ni misis, sasamahan na lang daw niya ako,” kuwento ng lucky winner.

Tinayaan niya ang kaniyang mga paboritong numero na nagpanalo sa kaniya ng milyon-milyon.

Hindi rin ito ang unang pagkakataon na sinuwerte siya sa PCSO. Noong 2016, napagkalooban siya ng ₱50,000 tulong pinansyal sa ilalim ng Medical Assistance Program ng ahensya para sa kaniyang pampagamot matapos na ma-stroke.

“Mas lalo akong na-engganyo na maglaro ng Lotto dahil napatunayan ko na sa bawat taya ko, may makabuluhang napupuntahan ito at lubos akong nagpapasalamat,” anang lucky winner.

Samantala, nakubra na rin ng isa pang lucky winner na mula naman sa Pangasinan ang premyo nitong  ₱58.9 milyon sa Grand Lotto 6/55 na binola noong Hulyo 5.