Sa gitna ng naiulat ng pagtaas ng inflation nitong Agosto, nanawagan si Assistant Minority Leader at Gabriela Women's Party Rep. Arlene Brosas na agad na ipawalang-bisa ang RA 1103 o ang Rice Liberalization Law sa bansa. 

Base sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) kamakailan, tumaas sa 5.3% ang inflation nitong Agosto, kung saan ang presyo ng pagkain umano ang nagbigay ng pinakamalaking kontribusyon sa naturang datos.

MAKI-BALITA: Inflation sa ‘Pinas, tumaas sa 5.3% nitong Agosto – PSA

"The higher inflation rate, particularly in food, is a clear indication that the Rice Liberalization Law has failed to address the needs of our rice farmers and consumers," ani Brosas. 

Probinsya

84-anyos na lola, minaltrato ng manugang; sinilaban ng buhay!

"The significant increase in rice prices, with a year-on-year growth rate of 8.7%, demonstrates the negative impact of the law on the livelihoods of our farmers and the burden it places on the consumers,” dagdag pa niya.

Matatandaang nagtakda si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. kamakailan ng price ceiling sa bigas sa buong bansa sa gitna ng nakaaalarmang pagtaas ng presyo nito sa merkado.

MAKI-BALITA: Marcos, nagtakda ng rice price ceilings nationwide

Samantala, binanggit ng Gabriela na base sa monitoring ng Department of Agriculture (DA) hinggil sa presyo ng bigas mula noong Martes, Setyembre 5, ibinebenta umano ang local regular milled rice mula ₱41 hanggang ₱55 sa Metro Manila, higit na mas mataas kung ikukumpara sa ₱38 na presyo noong nakaraang taon.

Pagdating naman sa local well-milled rice, mula ₱46 hanggang ₱57 ang presyo nito, kung saan mas mataas din kumpara sa nakaraang taon na ₱40. Nasa pagitan naman umano ng ₱47 at ₱60 ang presyo sa local premium rice ngayong taon, habang ₱45 ang presyo noong 2022.

"Walang silbi ang pagpapataw ng price ceiling sa bigas kung patuloy ang importasyon at pamamayagpag ng mga rice kartel," giit ni Brosas.

"Sa gobyerno na mismo nanggaling na pansamantala lang ang price ceiling - pampahupa lang 'to ng gutom at galit ng mamamayan. Kaya dapat ibasura na ang liberalisasyon ng bigas at magbigay ng sapat na production subsidy sa mga magsasaka," saad pa niya.