Ipinamamadali na ng Department of Transportation (DOTr) sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagpapalabas ng fuel vouchers para sa mga public utility vehicle (PUV) drivers.

Ang kautusan ay ginawa ni DOTr Secretary Jaime Bautista matapos na aprubahan na ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagre-release ng P3 bilyong pondo para sa fuel subsidy.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Alinsunod sa direktiba ni Bautista sa LTFRB, kaagad nitong ipapamahagi ang naturang fuel assistance sa mga PUV drivers sa sandaling mai-download sa ahensiya ang naturang pondo.

“Now that the funds have been approved by the DBM, we will make sure that our PUV drivers get the immediate assistance,” ayon pa kay Bautista.

Base sa datos ng LTFRB, nasa kabuuang 1,360,000 benepisyaryo ang tatanggap ng fuel assistance.

Mayroon din umanong 280,000 units ang tatanggap ng one-time cash grant mula sa ahensiya, habang 930,000 tricycle driver/operators ang tatanggap naman ng tulong mula sa Department of Interior and Local Government (DILG) habang tinatayang nasa 150,000 delivery service riders naman ang bebenepisyuhan ng Department of Information and Communications Technology (DICT).

Ang transport regulator ay mamamahagi ng tig-P10,000 sa mga Modern Public Utility Jeepney (MPUJ) at Modern UV Express (MUVE) operators, habang ang mga operators ng iba pang uri ng transportasyon ay tatanggap naman ng tig- P6,500.

Samantala, ang mga tricycle drivers ay makakatanggap ng tig-P1,000 habang ang mga delivery riders ay inaasahang makakatanggap ng tig-P1,200 na assistance.

Sa ilalim ng Joint Memorandum Circular No. 2, sakop ng fuel subsidy ang mga PUVs, kabilang na ang mga jeepney, UV Express, mini bus, at bus drivers, shuttle service drivers, taxi drivers, tourist transport service drivers, school transport service drivers, ride-hailing service drivers, delivery service at tricycle drivers.

Nabatid na layunin ng subsidiya na mabawasan ang impact sa mga PUV drivers nang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.