Magpapatuloy ang pagkakaloob ng Manila City Government ng trabaho sa mga jobless na residente ng lungsod ng Maynila.

Ito ang tiniyak ni Manila Mayor Honey Lacuna nitong Biyernes matapos na maging matagumpay ang idinaos na 'PESO Mega Job Fair' ng Manila City government.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Ayon kay Lacuna, ang naturang job fair ay idinaos ng Public Employment Service Office - City of Manila (PESO-Manila), sa pakiki-koordinasyon sa Department of Labor and Employment - National Capital Region (DOLE-NCR) at DOLE-NCR Manila Field Office.

Ang aktibidad ay isinagawa mula alas-9:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon sa San Pablo Apostol Parish Church, Velasquez St., Tondo, Manila.

Kaugnay nito, pinuri naman ni Lacuna ang PESO, sa pamumuno ni Fernan Bermejo, at pinasalamatan ang lahat ng kumpanyang nakilahok sa naturang job fair, at lahat ng kahalintulad na job fairs, na idinaos noong mga nakalipas na araw.

Pagtiyak niya, magpapatuloy ang pagkakaloob nila ng trabaho sa mga jobless residents ng lungsod, sa pamamagitan ng job fairs, bilang bahagi ng pagsusumikap nito na makamit ang isang "Magnificent Manila."

Bahagi rin aniya ito ng programa ng lungsod na, "Marangal Na Trabaho Para Sa Bawat Manileño."

Bukod naman sa mga job fairs, sinabi ni Lacuna na nag-aalok rin sila ng employment opportunities sa idinaraos nilang "Kalinga sa Maynila" forum sa iba’t ibang barangay ng lungsod.