Hindi gaya ng mga karaniwang love story na ibinibida sa mga pelikula at telebisyon ang kasaysayan ng pagmamahalan nina Loyda Marie at Honnie Paguio. 

Tampok noong Miyerkules, Setyembre 6, ang mag-jowang sina Honnie at Loyda sa segment na “Babala! ‘Wag Kayong Ganuuuun…” ng E.A.T.

Parehong galing sa pagkakabilanggo sina Loyda, 32, at Honnie, 28. Pareho ring may kinalaman umano sa iligal na droga ang kaso nila. At sa loob ng kulungan sila nagkakilala kung saan natuto ng massage therapy si Loyda.

Ayon kay Honnie, magkaselda umano sila ni Loyda. Siya rin ang unang lumaya sa kanilang dalawa. 2018 siya nang makulong. 1  taon at 8 buwan siya sa loob. Samantala, June 2019 naman nang makapasok si Loyda sa loob. Tumagal siya doon ng 1 taon at 10 buwan. 

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Ang nakakakilig na bahagi rito, hinintay umano ni Honnie na makalaya si Loyda. Na lalong kinakiligan nang magbigay ng mensahe si Honnie sa kaniya.

 “Mahal na mahal kita. Di kita iiwan,” ani Honnie. 

Ang hiling naman ni Loyda, sana dagdagan pa ni Honnie ang pasensya nito sa kanya dahil mainitin daw ang ulo niya. At ngayong nagsisimula na silang magbagong-buhay bitbit ang mga aral ng nakaraan, sana raw ay lumago pa ang kanilang negosyong fried noodles at silog.

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Loyda, sinabi niya na mahigit tatlong taon na silang magkarelasyon ni Honnie.

“3 years and 8 months na kasali na po nong nasa loob po kami.”  

Nang tanungin naman siya kung ano ang sikreto sa isang matibay na relasyon, tatlong bagay ang isinagot niya: tiwala, respeto, at kakayahang magpakumbaba.

“Dahil lahat tayo may weak side at bad side. So kung kaya natin magpakumbaba at magpatawad, makikita ng partner mo na karapat-dapat ka para sa isang matibay na relasyon.”

May mensahe rin ito para sa mga hindi pa rin natatagpuan ang kanilang “true love” hanggang ngayon. Aniya, huwag daw madaliin ang paghahanap.

“Sa tamang panahon ay mahahanap din nila. Basta ‘wag silang manlalamang at maging open sila sa katotohanan.”

Totoo ngang unibersal ang pag-ibig. Walang tinatangi; walang pinipiling kasarian at uri.

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!