Nakatanggap ng suporta ang administrasyon ni Manila Mayor Honey Lacuna mula sa isang sporting goods company, na ang may-ari ay labis na humanga sa magagandang programang ipinatutupad ng alkalde sa lungsod.

Nabatid na ang mga kinatawan ng Peak China at Peak Philippines ay personal na nagtungo sa tanggapan ng alkalde at nagkaloob ng donasyon na ‘in kind’ at ‘in cash’ kay Lacuna, na sinamahan ni City Administrator Bernie Ang, na siya ring nag-endorso sa alkalde.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nabatid na ang delegasyon ng Peak China ay kinabibilangan nina Chairman Xu Jing Nan; Christin Wu, pangulo ng International Department, Helen Lin, vice president ng International Department habang kabilang naman sa Peak Philippines group sina Michael Chenglay, pangulo; Jonathan Chenglay, general manager; Batchie Magat, vice president; at Daryl Magdaong, marketing head.

Sumaksi rin naman sa naturang pagbisita sina Manila Sports Council (MASCO) chief Roel de Guzman; Willord Chua, executive director ng Manila Chinatown Development Council; Theren Bullock Jr., foundation ng Senior Manager, FIBA; Principal Lin ng Fil- Chi Athletics Federation, gayundin ang mga PBA players na sina  Arwind Santos, Jio Jalalon, Calvin Abueva and Rey Nambatac.

Ayon kay Ang, nais ni Chenglay na makausap si Lacuna upang ipahayag ang kanilang suporta,  partikar sa sports programs ng lungsod sa ilalim ng pamamahala ni De Guzman.

Sinabi ni Chenglay sa alkalde na 20 taon siyang nawala sa Pilipinas at masaya siya na nakabalik siya at makita ang malaking kaunlaran at pagbabago ng Maynila.

Una nang nag-donate ang kumpanya ng daan-daang rubber shoes na itinurn-over ng alkalde kay De Guzman.

Pagtiyak pa nito, handa silang tumulong sa pamahalaang lungsod sa kahit na anong paraan.

Sa kanyang panig, pinasalamatan naman ni Lacuna ang mga donors dahil napili nila ang Maynila na tumanggap ng kanilang tulong.

Tiniyak pa ng alkalde na malayo ang mararating ng kanilang mga ibinigay na donasyon lalo na sa pagtataguyod ng isports sa mga kabataan.

Anang alkalde, maraming iba't-ibang sports activities ang isinusulong ngayon ni De Guzman upang hubugin ang malusog na populasyon ng mga kabataan at upang maiiwas ang mga ito sa bisyo.

Nabatid na ang Manila City Government ay patuloy na nakakatanggap ng iba't-ibang uri ng suporta mula sa iba't-ibang pribadong kumpanya bilang pagpapahayag ng kanilang paniniwala sa administrasyon ni Lacuna.