Opisyal nang inanunsiyo ng Harvard University ang kauna-unahang Pinay na magtuturo ng Filipino sa prestihiyosong unibersidad.
“The Harvard University Asia Center and the Department of South Asian Studies are pleased to announce the hire of Lady Aileen Orsal as Preceptor in Filipino Languages (Tagalog),“ saad ni James Robson, Victor and William Fung Director sa Harvard University Asia Center noong Agosto 25.
Isang makasaysayang araw iyon sapagkat sa mismong Buwan ng Wika na-hire si Ma’am Lady Aileen Orsal bilang Preceptor ng wikang Filipino.
Ayon sa Harvard, ang Filipino ang ikaapat na wikang sinasalita sa Estados Unidos sumunod sa Chinese, Spanish, at English.
Pero sino nga ba si Lady Aileen Orsal?
Batay sa paglalarawan ng Harvard, si Orsal umano ay isang dedikado, malikhain, at mabisang guro ng Filipino.
“She also has an impressive background in Philippine Studies, including Philippine culture, history, and politics. She has conducted research and published on traditional tattoo art, the coffee culture of the Philippines, and the use of music in political campaign jingles,” anila.
Hindi ito nakapagtataka dahill nagtapos si Orsal sa Cavite State University noong 2012 sa ilalim ng kursong B.A. in Mass Communication. Taong 2017 naman nang makuha niya ang kaniyang M.A. degree sa Philippine Studies. At kasalukuyan niyang pinagsasabay ang kaniyang M.A. in Communication sa Northern Illinois University at ang Ph.D. in Philippine Studies sa De La Salle University.
2018 nang magsimula siyang maging Fulbright Foreign Language Teaching Assistant sa Northern Illinois University sa Center for Southeast Asian Studies.
Sa kaniyang Facebook post nitong Huwebes, Setyembre 7, nagpahayag ng lubos na pasasalamat si Orsal sa mga nagpaabot sa kaniya ng pagbati.
“Gayunpaman, naniniwala akong maliit na bahagi lamang ako ng istorya at ang pagkakataong maituro ito ay bunga ng pagsisikap ng mga taong patuloy na inadhika na magkaroon ng mayaman at makabuluhang programa ng Filipino sa pamantasan,” aniya sa kaniyang Facebook post.
Sa kasalukuyan, hindi pa tumatanggap ng panayam si Ms. Orsal dahil nais muna umano niyang ituon ang buong atensiyon sa kaniyang trabaho at pag-aaral.
“Ipagpaumanhin po ninyo ang hindi ko pagpapaunlak sa imbitasyon para sa mga panayam sa ngayon dahil nais kong gamitin ang oras para ituon ang aking atensyon sa paghahanda para sa klase na aking tinuturuan kasabay ng mga klase sa gradwadong programa na patuloy na humuhubog sa akin sa kasalukuyan.”
Isa pang dahilan niya, mahiyain daw talaga siya. Mas sanay umano siyang magsulat ng balita kaysa maisulat sa balita.