Isang building maintenance ang patay nang biglang bumagsak ang isang depektibong freight elevator na kinukumpuni niya sa loob ng isang gusali sa Sta. Cruz, Manila nitong Huwebes ng gabi.

Naisugod pa sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang biktimang si Joseph Abellera, 38, ng Julian Felipe St. Tupda Village, Caloocan City, ngunit nasawi rin habang nilalapatan ng lunas.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Lumilitaw sa imbestigasyon ni PCPL Sir Christian Joseph Pineda, ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, na dakong alas-7:00 ng gabi nang maganap ang aksidente sa isang gusali na matatagpuan sa Claro M Recto Avenue, corner Tomas Mapua St. sa Sta. Cruz.

Nagulat na lang umano ang mga kasamahan ng biktima nang makarinig ng malakas na kalabog mula sa depektibong freight elevator.

Nang puntahan ay nakita nilang duguan nang nakahandusay ang biktima kaya’t isinugod sa pagamutan.

Ayon kay Kim Ruelan, na isa ring building maintenance sa lugar, huli niyang nakitang buhay ang biktima dakong alas-4:00 ng hapon habang kinukumpuni ang passenger elevator sa ground floor ng walong palapag na gusali.

Posible umanong sumablay ang ginawang pagkumpuni ng biktima sa elevator dahilan kaya ito bumagsak na ikinasawi ng biktima.

Patuloy ang imbestigasyon sa kaso.