China Coast Guard, nam-bully ulit sa resupply mission ng AFP sa Ayungin Shoal
Katulad ng inaasahan, nakaranas na naman ng pambu-bully ng China Coast Guard (CCG) ang isinagawang rotation at resupply (RoRe) mission ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Ayungin Shoal nitong Biyernes.
Sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG), nangyari ang insidente sa kabila ng ipinadala nilang dalawang barko -- BRP Cabra at BRP Sindangan -- bilang escort vessels sa mga resupply boat ng Pilipinas nitong Setyembre 8.
Bukod sa apat na barko ng CCG, apat pang Chinese Maritime Militia ang nagpakita rin ng mapanganib na pagmamaniobra sa gitna ng paglalayag ng mga tauhan ng PCG patungong BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Sa kabila ng matinding hamon dahil sa presensya ng CCG at CMM, naisakatuparan pa rin ng tropa ng pamahalaan ang kanilang resupply mission.
Matatandaang umani ng batikos ang China matapos bombahin ng tubig ng CCG ang mga barko ng PCG nang tangkain nilang isagawa ang resupply mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal nitong Agosto 2023.