Isinalaysay ng kasambahay na si Elvie Vergara ang iba't ibang uri ng pananakit at pagmamaltrato ng kaniyang mga dating amo na humantong sa kaniyang pagkabulag.
Noong Agosto 8, napaulat ang pananakit umano ng mag-asawa at 2 anak nito mula sa Mamburao, Occidental Mindoro mula 2020 hanggang 2023.
Inilipat umano siya sa Pollocan West, Batangas City noong Mayo 2023, sa bahay umano ng anak ng kaniyang mag-asawang amo, subalit nagpatuloy raw ang pagmamaltrato sa kaniya. Na-rescue naman si Vergara sa tulong ng kaniyang mga kapatid at kasamahan sa trabaho.
Ayon sa ulat ng "TV Patrol" ng ABS-CBN News, naimbitahan si Vergara sa Senado upang alamin ang kaniyang panig. Dito ay idinetalye ng kasambahay kung paano siya sinasaktan ng kaniyang mga dating amo. Apat na abogado naman ang kasama ng mag-asawang nasasangkot na dumalo rin sa pagdinig sa Senado.
Kuwento ni Elvie, nakaranas daw siya ng panununtok at pag-untog sa kaniyang ulo sa pader ng palikuran. Minsan daw, pati raw sa lababo ay nauntog na rin siya. Pati raw ang dalawang anak ng mag-asawa ay nananakit din lalo na raw kapag lasing.
Tinatadyakan daw siya at paminsan ay binabato ng lamesa. Nariyan din ang paghampas sa kaniya ng hanger, sinturon, at pagsuntok sa kaniyang tagiliran.
Pinaparatangan daw siya ng mga dating amo na naglalagay ng buhok sa mga nilulutong pagkain at nagnanakaw sa kanila. Mariin naman itong itinanggi ni Elvie.
Batay sa medico legal, lumalabas na may mga basag na nga ang bungo at pisngi ni Elvie, bukod sa nabulag ang kaniyang kaliwang mata at nanlabo ang kanang mata dahil sa inabot daw na trauma.
Itinanggi naman ng mag-asawa ang mga bintang ng pananakit kay Elvie.
Samantala, sinisilip na rin daw ng Department of Labor and Employment (DOLE), Commission on Human Rights (CHR), at Department of Justice (DOJ) kung paano matutulungan si Elvie.