Sumailalim sa isang surprise drug test ang 100 pulis-Maynila noong Lunes, Setyembre 4 sa Manila Police District (MPD) headquarters sa Ermita, Manila.

Mismong si MPD Public Information Office (PIO) chief, PMAJ Philipp Ines ang nagpaabot ng magandang balita, sa isang mensahe sa mga mamamahayag nitong Martes.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Walang nagpositibo sa biglaang drug test kahapon sa hanay ng pulis-Maynila,” anunsiyo pa ni Ines.

Nabatid na ang naturang surprise drug test ay isinagawa, alinsunod na rin sa kautusan ni MPD Director, PBGen Andre Dizon, bilang bahagi nang paglilinis sa hanay ng mga pulis-Maynila.

Ayon kay Dizon, nais niyang matiyak na walang pulis-Maynila na lulong sa iligal na droga.

Siniguro rin niya na muli silang magsasagawa ng mga surprise drug test, maging sa mga istasyon ng MPD.

Tiniyak naman ni Ines na ang mga pulis na mapapatunayang drug addict ay mahaharap sa kasong administratibo na posibleng ikatanggal nito sa serbisyo.