Isa nang ganap na bagyo ang binabantayang low pressure area (LPA) sa silangang bahagi ng Extreme Northern Luzon at pinangalanan itong “Ineng,” ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Martes, Setyembre 5.
Sa tala ng PAGASA dakong 5:00 ng umaga, huling namataan ang Tropical Depression Ineng 925 kilometro ang layo sa silangan ng Extreme Northern Luzon, na may maximum sustained winds na aabot sa 45 kilometers per hour at pagbugsong aabot sa 55 kilometers per hour.
Mabagal itong kumikilos pahilaga.
Ayon sa PAGASA, wala namang direktang epekto ang bagyo dahil patuloy umano itong malayo sa kalupaan ng bansa.
Gayunpaman, bahagya nitong pinalalakas ang southwest monsoon o habagat, na mas hinahatak ng Tropical Storm Haikui.
Inaasahan naman umanong magdudulot ang habagat ng mga pag-ulan sa kanlurang bahagi ng Luzon sa susunod na tatlong araw.
Patuloy ring magdadala ng gusty conditions ang habagat sa Batanes, Ilocos Provinces, the western portion of Pangasinan, Zambales, Bataan, Kalayaan Islands, Lubang Island, at Romblon ngayong Martes.
Inaasahan ding lalabas ng Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyo ngayong Martes ng gabi o pagsapit ng Miyerkules, Setyembre 6, bilang isang “tropical storm.”
Paglabas ng PAR, magtutungo ang bagyo sa katubigan ng timog na bahagi ng mainland Japan.